Matapos na minsan maging pasaway ay nagawang bigyan ng karangalan ni Noel Tillor ang Pilipinas nang masungkit ang titulo ng 9th Borneo International Marathon 2016 noong Linggo, Mayo 1, sa paalis at pabalik na ruta sa Likas Sports Complex grounds, sa Kota Kinabalu, Sabah, Malaysia.

Tinahak ng 31-anyos na aminadong reformed addict turned champion runner na mula sa Bogo City, Cebu ang makasabog-baga at makabaling-tuhod na 42.195-kilometer race sa tiyempo na 2 oras, 48 minuto at 10.39 segundo.

Iuuwi rin ni Tillor ang champion purse na MYR1,200 o P14,077 sa pagdaig sa kabuuang 709 na runner mula sa 16 na bansa kabilang ang apat na kapwa Pilipino.

Pumangalawa lang ang natulalang Chinese na si Liangwu Ma (2:55:06.64) at ang pumangatlo hanggang 10th placemula sa host country na pinangunahan ni Malaysian Wincenbert Latius (3:01:38.01).

Coach Topex, umalma matapos daw tawaging ‘iskwater’ sa komosyon nila ng UP

“Thank you God for the gift this morning. Champion in the Borneo International Marathon 2016 is not bad,” paglalagay ni Tillor sa kanyang social network account, sa unang panalo sa ikatlong beses na pagsali sapul noong 2014.

Nagwagi naman sa 233 kalahoko na women’s side ang mula China na sina Ting Yu (3:53.43.84), at Liu Min (3:54:25.16).

Ikatlo si Malay Kartini Ahmad Kamal (4:06:52.18).

Kasali sa karera ang mga pambato ng Brunei, Africa, Taiwan, United Kingdom, Japan, Hong Kong, Singapore, Australia, Indonesia, United States, Poland, Spain at Thailand.

Matatandaan na si Tillor ang nagdomina sa nakalipas na dalawang taon ng National MILO Half-Marathon sa Cebu City.

(Angie Oredo)