Sinabi ni Nationalist People’s Coalition (NPC) senatorial bet Win Gatchalian na dapat isulong sa 17th Congress, sa ilalim ng susunod na administrasyon, ang pagbabawal sa contractualization sa hanay ng mga service worker upang mapangalagaan ang kanilang security of tenure.
Aniya, matagal nang kalakaran ang contractualization sa hanay ng mga security guard at janitor na karaniwang idinaraan ang pag-eempleyo sa mga manpower agency at pinalalawig na lang ang kontrata.
“We need genuine reforms in order to correct the abuses in the system of contractualization. Individuals essential to the functioning of a firm must not be subjected to short contracts designed to prevent them from acquiring permanent status and enjoy the mandated benefits of regular employees,” pahayag ni Gatchalian, miyembro ng House Committee on Trade and Industry.
Kapag pinalad na mahalal sa Senado, tiniyak ni Gatchalian na isusulong niya ang pag-aamyenda ng Labor Code, na nakasaad ang mga trabaho na maaaring sub-contractual at ang iba na nasa kategorya ng direct hiring.
Bilang nag-iisang senatorial candidate na eksklusibong tumatakbo sa ilalim ng Partido Galing at Puso ng presidential candidate na si Sen. Grace Poe, ginagawang legal ng kasalukuyang sistema ang “endo” o end-of-contract na ang kontrata ng isang empleyado ay natatapos sa anim na buwang probationary period.
Nilalabag ng “endo” ang Article 281 ng Labor Code, na nagsasabing ang isang empleyado, na pinayagang magtrabaho para sa anim na buwang probationary period, ay dapat ikonsidera na bilang regular na empleyado maliban kung ang kontrata ay tinapos bago ang ikaanim na buwan.