FORT MCMURRAY, Alberta (AP/Reuters) – Nagdeklara ang Alberta ng state of emergency nitong Miyerkules habang nilalabanan ng daan-daang bombero ang mga wildfire na pinalalaki ng hangin at nilamon ang 1,600 kabahayan at iba pang gusali sa Fort McMurray, ang pangunahing oil sands city ng Canada, at nagpuwersa ng paglikas ng mahigit 80,000 residente.

Walang iniulat na nasaktan o namatay sa mga sunog ngunit gutom at uhaw na ang lumilikas na residente. Napuno ang Twitter ng mga alok ng pagkain, matutuluyang bahay, at animal care habang nagtatanong ang mga nababahalang evacuees sa mga opisyal kung ano na ang nangyari sa kanilang mga tirahan.

Hinati ng apoy ang Fort McMurray sa dalawa noong Martes ng gabi, pinuwersa ang halos 10,000 residente patungo sa hilaga sa mga oil sands work camp. Habang ang 70,000 pa ay patungo naman sa timog at tinitiis ang mahabang pila ng mga sasakyan sa Highway 63.

Sinisikap ng mga bombero na maprotektahan ang critical infrastructure, kabilang na ang natatanging tulay sa Athabasca River at nagdudugtong sa Highway 63, ang natatanging pangunahing ruta patungo at palabas ng lungsod.

'Tama din po sila:' Vlogger na may-ari ng pinatigil na care facility, tanggap ang desisyon ng DSWD

Nitong Miyerkules ng gabi, sumiklab ang sunog malapit sa paliparan na naging dahilan para suspendihin ang lahat ng commercial flight patungo at paalis sa Fort McMurray.

Ang napakainit na klima na sinabayan ng tuyong kondisyon ang tila posporong nagsindi sa kagubatan sa hilaga ng Alberta. Ang Fort McMurray ay pinalilibutan ng kasukalan sa gitna ng oil sands ng Canada — ang ikatlong pinakamalaking reserba ng langis sa mundo kasunod ng Saudi Arabia at Venezuela.

Sakay ng helicopter, nilibot ni Alberta Premier Rachel Notley ang lugar at nag-tweet ng mga litrato ng apoy. "The view from the air is heartbreaking," aniya.

Sinabi ni Prime Minister Justin Trudeau na hindi pa malinaw ang lawak ng pinsala na aniya ay "absolutely devastating". Hinikayat niya ang mga Canadian na suportahan ang kanilang mga kaibigan at mag-donate sa Red Cross.