NAKAPAGDESISYON ka na ba kung sino sa kanila?

Apat na araw na lang at eleksiyon na.

Subalit sigurado ka ba sa iyong mga napili?

O kaya’y dumaan ka ba sa simbahan man lang upang humingi ng gabay sa Kanya?

Bukod sa paggamit ng mga vote counting machine (VCM) na sinasabing magpapabilis sa proseso ng botohan, tiyak na ang pagkadismaya sa iba’t ibang problema na bumubulabog sa bansa.

GM Torre, binanatan si Comm. Calinisan: 'Anong klase kang adjudicator?'

Partikular na ang problema sa trapik na ‘tila naubusan na ng solusyon ang gobyerno, at desperado na ang mga motorista at biyahero.

Nitong mga nakaraang buwan, sari-saring solusyon ang iminungkahi ng mga kandidato sa pagkapangulo at pagka-bise presidente. Nandyan ang pagtatayo ng karagdagang imprastruktura, tulad ng skyway, flyover, road widening at iba pa.

Mayroon din nagsabi na ang pagtutulak ng ekonomiya sa mga rehiyon ay solusyon upang mabawasan ang dami ng tao sa Metro Manila, at kalaunan ay mabawasan ang problema sa trapiko.

Paulit-ulit din nating naririg ang pagdidisiplina sa mga driver, mahigpit na pagpapatupad sa batas at seryosong pagpapaaresto sa mga “kotong cop.”

Nakakamangha, nakabibilib!

Ngunit sa tagal nang karamihan sa inyo sa mundo ng pulitika, bakit ngayon lang kayo nagpupuputak hinggil sa solusyon sa traffic? Hindi n’yo ba naisip ang mga iyan noon pa? Hindi ba kayo binangungot?

Marahil, halos lahat ng panukalang ito ay narinig n’yo sa mga ginanap na presidential at vice presidential debate na iniere sa telebisyon at radyo, at nailathala sa mga pahayagan.

Ang tanong: Mayroon ba kayong narinig o nabasa man lang na panukala kung paano mareresolba ang trapiko mula sa hanay ng mga lokal na opisyal tulad ng gobernador, alkalde at opisyal ng barangay.

Kung tutuusin, sila ang tinaguriang “frontliners” sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan dahil sila ay kabilang sa komunidad.

Dahil sa matinding traffic, natiyempuhan ni Boy Commute ang talumpati ng mga kandidato sa Maynila, Pasay at Makati.

Sa kanyang pakikinig, karamihan sa tinatalakay ng mga kandidato sa lokal na puwesto ay tungkol lamang kung hindi sa kanilang sarili ay pambabatikos at pag-aalipusta sa kanilang katunggali…parang mga bata na nakikipagbangayan.

Sa gitna nito, blangko pa rin ang mga residente kung ano ba talaga ang kanilang plano upang maibsan ang trapiko sa kanilang lugar, kung ano ang gagawin nila sa problema sa illegal parking, illegal vendor, at pasaway na pedicab driver.

Kaya n’yo bang banggain ang mga residente na mahilig bumili ng kotse subalit walang sariling garahe? Sila ba ang iboboto n’yo? (ARIS R. ILAGAN)