CEBU CITY – Magpupulong ang Cebu Integrated Transport Cooperative (Citrasco), ang pinakamalaking grupo ng transportasyon sa Central Visayas, pagkatapos ng eleksiyon sa Lunes upang pag-usapan ang plano nilang humingi ng dagdag-pasahe.
Sinabi ni Citrasco Chairman Ryan Benjamin na magpupulong ang grupo sa susunod na linggo upang talakayin ang posibleng dagdag-pasahe sa harap ng patuloy na pagtaas sa presyo ng diesel at gasolina.
Matagal nang humihiling ang mga jeepney driver sa Cebu ng taas-pasahe dahil halos wala na umano silang kita na maiuuwi sa pamilya kasunod ng serye ng taas-presyo sa produktong petrolyo.
“Sobra ang init ngayon sa kalsada dahil sa El Niño at mahigit walong oras kaming namamasada para kumita lang ng kakarampot. Tuluy-tuloy ang pagtaas ng gasolina, halos wala na kaming kinikita,” himutok ng jeepney driver na si Rodrigo Salazar. (Mars W. Mosqueda, Jr.)