Isang party-list congressman ang nagpahayag ng pangamba na nag-umpisa na ang “mind conditioning” sa mga survey upang palabasin na mananalo ang mga manok ng administrasyon sa halalan sa Lunes.
Ito ang reaksiyon ni ABAKADA Party-list Rep. Jonathan Dela Cruz matapos na maglabas ang Pulse Asia ng resulta ng huling survey nito sa mga presidentiable, na roon ay naungusan na ni dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas si Senador Grace Poe sa ikalawang puwesto.
Sa parehong survey, ipinakita rin ng Pulse Asia na naungusan na ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo si Senador Bongbong Marcos sa unang puwesto. Si Roxas at si Robredo ay kapwa kandidato ng administrasyong Aquino.
Ginawa ang survey dalawang araw matapos ang naunang survey.
Ayon kay Dela Cruz, ‘tila imposible na biglang aakyat agad ang rating ng dalawang manok ng Liberal Party ng dalawa sa apat na puntos makalipas lang ang dalawang araw.
Dahil dito, hindi na nakakapagtaka, ayon kay Dela Cruz, kung sa final na survey ay statistically tied na si Roxas kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa unang puwesto, habang si Robredo naman ay malayo na ang agwat kay Marcos.
“Makikita mo na may grand conspiracy talaga na ikondisyon ang kaisipan ng ating mga botante at maaaring ang mga kandidato ng Malacañang ay mananalo sa halalan,” ani Dela Cruz.
Idinagdag din ni Dela Cruz na maaring “tip of the iceberg” lamang ang mga survey sa malawakang pandaraya sa araw mismo ng halalan. Hinimok din niya ang publiko na maging alerto at mapagmatyag sa Lunes, dahil ipinakita na ng administrasyon ang kakayahan nito na gamitin ang pera ng gobyerno sa kanilang kampanya. (Beth Camia)