ILOILO CITY – Humingi ng paumanhin si Pangulong Aquino sa gobyerno ng United States at Australia kaugnay ng kontrobersiyal na komento ng PDP Laban presidentiable na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
“Humihingi po ako ng paumanhin bagamat hindi po ako ang nag-umpisa nito,” pahayag ng Pangulo sa campaign rally ng Liberal Party sa siyudad na ito, nitong Martes ng gabi.
Ito ay bilang reaksiyon sa banta ni Duterte kamakailan na handa siyang putulin ang ugnayan ng bansa sa Amerika at Australia matapos siyang batikusin ng mga ambassador ng dalawang bansa hinggil sa kanyang kontrobersiyal na “rape joke” tungkol sa isang Australian missionary na ginahasa bago pinatay sa isang Davao detention center noong 1989.
Bunsod nito, binuweltahan ni Duterte ang ambassador ng dalawang bansa sa Pilipinas ng “shut your mouth” at sinabihang huwag makialam sa mga lokal na kaganapan.
Bukod dito, binatikos din ni Duterte ang dalawang bansa dahil sa umano’y kawalan ng aksiyon ng mga ito sa patuloy na panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
“If we have allies but we disrespect them, how many do you think will take our side especially since we are faced with a bigger enemy in the South China Sea?” tanong ni Aquino.
“In fact, he has been quarrelling with our two allies. I would like to apologize to them. I did not start the fight but I have asked for an apology because it’s my job,” dagdag niya. (Madel Sabater-Namit)