ABS-CBN pa rin ang namamayaning TV network sa bansa, batay sa national average audience share na 44% sa pinagsamang urban at rural homes kumpara sa 34% ng GMA, na naitala sa Kantar Media viewership survey nitong nakaraang buwan.
Sa kabila ng patuloy ding pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga programa ng ABS-CBN sa video streaming website na iWant TV (www.iwantv.com.ph), napakataas pa rin ng figures na ito.
Hari pa rin ang FPJ’s Ang Probinsyano (41.6%) na patuloy na namamayagpag bilang numero unong programa sa buong bansa simula nang mag-pilot ito. Pumangalawa ang Dolce Amore (33.4%), na sinundan naman ng Pilipinas Got Talent (30.7%), Maalaala Mo Kaya (29.4%), Wansapanataym (29.1%), TV Patrol (27.5%), Home Sweetie Home (23.5%), at Rated K (21.5%).
Pumalo rin sa mataas na ratings ang mga special airing ng ABS-CBN lalo na ang PiliPinas 2016: Presidential Town Hall Debate na nakakuhang 40.6% rating, pinakamataas sa tatlong debateng inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC). Nagtala rin ng magandang rating ang Harapan ng Bise vice presidential debate ng ABS-CBN sa naitala nitong 21.4%, at tinutukan din ang telecast ng labang Donaire vs. Bedak (20.1%.)
Samantala, numero uno pa rin sa daytime ang Be My Lady (18.5%), at talo pa rin ng It’s Showtime (18.0%) ang Eat Bulaga (13.9%) na nananatiling laglag sa Top 20 programs ng buwan. Nagningning din ang Kapamilya Gold sa afternoon block na nakakuha ng 43% nationwide rating laban sa 36% ng GMA, sa likod ng magandang ratings ng Doble Kara (17.5%) at Tubig at Langis (15.4%).
Panalo rin ang ABS-CBN sa ibang teritoryo tulad sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon sa labas ng Mega Manila) sa pagpalo nito sa national average audience share na 45% kontra 36% ng GMA; sa Visayas sa audience share na 54% kontra 26% ng kalaban; at sa Mindanao na may 54% kontra 28%.
Sa iWant TV naman, ang pinausong video-on-demand service at livestreaming website ng ABS-CBN ay humakot ng 24.67 million views para sa buwan ng Abril, na nangangahulugang patuloy na nanonood ang mga Pilipino sa pamamagitan ng Internet. Ang livestreaming channel ng ABS-CBN na iWant TV ay nakapagtala ng 3.87 million page views, isang indikasyon na parami na nang parami ang nanonood gamit ang kanilang mga gadget, laptop, smart phone habang umeere ang mga programa sa telebisyon.
Patuloy na nangunguna ang ABS-CBN sa pagtugon sa bagong viewing habit ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang mga serbisyo at handog sa iWant TV. Ang mga paborito sa primetime na Dolce Amore (5 million page views), FPJ’s Ang Probinsyano (4.15 million page views), at Be My Lady (1.59 million views) ang ilan sa mga pinakapinapanood na programa sa nasabing website.