ISULAN, Sultan Kudarat – Mismong mga rehistradong botante sa mga bayan ng Lambayong at President Quirino ang nagsuplong sa anila’y lantarang pamimili ng boto ng ilang kandidato, lalo na ngayong malapit na ang eleksiyon sa Lunes.
Sa personal na sumbong ng ilang botante sa may akda nitong Martes, sinabi nilang sa Barangay Katiku sa President Quirino at sa Bgy. Poblasyon sa Lambayong ay napansin ang pamumudmod ng anila’y coordinator ng isang kandidato ng mga brown envelope na may lamang pera, bukod pa sa mga bareta ng sabong panlaba, sardinas, bigas, at toothpaste.
Ayon sa isang babaeng botante na senior citizen na ayaw magpabanggit ng pangalan, galing umano sa isang kumakandidato sa pagkakonsehal ang naturan, habang sa isa pang barangay sa President Quirino ay bigas naman ang ipinamamahagi umano ng isang kandidato sa pagkagobernador.
Sumbong naman ng mga residente, na karamihan ay Muslim, sa Bgy. Poblasyon sa Lambayong, palakihan umano ng bigay ang ilang kumakandidato sa pagkaalkalde sa nasabing bayan; nasa P500 hanggang P1,000 cash ang anila’y laman ng sobre na nakuha nila mula sa hindi pinangalanang kandidato.
Tinangka ng may akda na hingan ng komento ang mga kandidatong isinasangkot sa vote-buying, subalit ayaw nilang magsalita, bagamat malinaw na itinatanggi nila ang pamimili ng boto.
Samantala, napag-alaman sa ilang opisyal ng barangay sa dalawang nabanggit na bayan na ang vote-buying ay payak o karaniwan na umano at masasabing kalakaran na tuwing panahon ng halalan.
Ayon naman sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec), wala silang natatanggap na reklamo o sumbong tungkol sa vote-buying, kahit pa handa naman ang kanilang tanggapan na tumugon at gumawa ng kaukulang hakbang laban sa mga sangkot sa usapin. (LEO P. DIAZ)