TATLONG araw na lang ang natitira sa panahon ng kampanya. Nakapagdesisyon na ang halos lahat ng botante. Ang dapat na pagtuunan nila ngayon ng pansin ay ang pagtiyak na magiging maayos ang kanilang pagboto, gawing mabilis hanggang maaari, at iwasang magkamali dahil maaaring masayang ang kanilang balota, at boto rin, siyempre.
Magbubukas ang mga lugar ng botohan sa ganap na 6:00 ng umaga at magsasara ng 5:00 ng hapon—may 11 oras sa kabuuan—upang maisakatuparan ang mga idinagdag na proseso na iniutos ng Korte Suprema. Ito ay ang pag-iisyu ng isang maliit na papel bilang resibo upang matiyak ng botante na nabasa nang wasto ng makina ang kanyang balota.
Upang gawing pamilyar ang proseso ng pagboto sa publiko, ilang beses na nagsagawa ng demonstrasyon ang Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic gamit ang mga bagong Vote Counting Machine (VCM) at tinuruan ang mga botante—mula sa tamang pag-shade sa bilog na nasa tapat ng pangalan ng kandidato, hanggang sa pagpapasok ng balota sa makina, at mabilisang pagbasa sa maliit na resibo na record ng naiboto.
Ipinagbabawal ang paglalabas ng resibo sa presinto at ang pagkuha ng litrato rito, dahil maaari itong magamit sa pamimili ng boto. Ngunit walang malinaw na pagbabawal sa palihim na pagkuha ng botante ng litrato ng sariling balota na maaari dahil sa nakatakip na mga ballot folder.
Hanggang dito lang ang partisipasyon ng botante sa eleksiyon. Matapos na bumoto at lisanin ang presinto, ang mahabang proseso ng pagkilala sa mga botante, pagtulong sa pagpapasok ng balota sa makina, at pangangalap sa lahat ng kagamitan ay tuluy-tuloy para sa Board of Election Inspectors. At sa huli, makalipas ang 11 oras na botohan, ipadadala na ng board ang mga resulta ng botohan sa pamamagitan ng Internet or Broadband Global Area Network.
Mahalagang maagap na alamin ng botante kung anu-ano ang mga gagawin niya sa loob ng presinto upang maiwasang magkamali na maaaring magpabalewala sa kanyang mga boto—gaya ng hindi maayos na pag-shade sa bilog sa pamamagitan ng paglalagay lang ng maliit na tuldok o pagmamarka ng ekis sa loob nito, sa halip na itiman ang kabuuan nito. Ang anumang iba pang marka sa ibang bahagi ng balota ay maaaring maging dahilan upang hindi ito tanggapin ng makina.
Hindi rin dapat na lumampas sa 12 ang mga ibobotong senador, at isa naman para sa party-list organization.
Ang ilang minutong pananatili sa voting precinct ay ang kabuuan ng papel ng isang botante sa demokratikong proseso ng ating halalan. Ang bawat isa sa atin ay dapat na maghandang mabuti para sa ilang minutong ito upang masigurong mapapakinggan ang ating tinig kapag binilang na ang mga boto at inihayag na ang desisyon ng bansa.