Umapela sa mga botante ang isang relihiyosong grupo tungkol sa kahalagahan na gamitin ang prinsipyo ng Bibliya sa paghahalal ng mga susunod na opisyal ng bansa sa Lunes.
Inilahad ng Christian Men’s Ministry (CCM), isang Inter-Church organization sa loob at labas ng bansa, ang “7 I’s Criteria For President 2016” upang mabigyang-halaga ang karunungan ng Diyos sa paghahanap ng bagong pangulo na makapagbibigay ng magandang kinabukasan ng bansa.
Ang pitong “I” ay ang mga sumusunod: Integrity, o iyong may moral na direksiyon upang gawin ang tama; Infrastructures, o may kakayahang magplano, magpatupad, at makapagbigay ng maayos na mass transportation; Interconnections, o may kakayahang makipag-usap mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na antas ng tao sa lipunan sa pamamagitan ng pakikinig, at paggawa ng tamang desisyon sa anumang uri ng sitwasyon.
Mahalaga rin para sa CCM ang International Relations, o may positibong imahe para sa ating bansa sa pamamagitan ng responsable at bihasang pamumuno; Insurgency, o may makabuluhang solusyon at political will sa upang malutas ang anumang paghihimagsik laban sa estado; Israel, o pagiging aktibong kapanalig ng estado ng Israel; at Intercessor, o pagiging mapagkumbaba, nananalangin at namamagitan sa Diyos. (Jamie Rosseditt P. Garcesa)