NGAYONG dalawang buwan pa bago magsimula ang pasukan, lalong napapanahon ang pagpapaliban ng K to 12 educational program, tulad ng hinahangad ng maraming sektor ng sambayanan. Dapat pag-ukulan ng pangalawang sulyap, wika nga, ang naturang sistema ng pagtuturo na sinasabing pabigat lang sa mga estudyante at sa mismong mga magulang. Isipin na dalawang taon pa ang idinagdag upang ganap na matapos ng isang mag-aaral ang high school na dating tinatapos ng apat na taon lamang.

Paulit-ulit na nating binibigyang-diin ang naturang mga argumento sapagkat hanggang ngayon, hindi ko makita ang lohika sa implementasyon ng K to 12. Ito ba ay bunsod lamang ng dayuhang sistema ng edukasyon na hindi naman angkop sa ating bansa? Oh, ito ba ay udyok ng makasariling kapakanan na may kaakibat na panghihimasok sa nakagawian nating mga pamamaraan ng pagtuturo?

Anuman ang paninindigan ng administrasyon sa tila sapilitang pagpapatupad ng K to 12, matibay rin ang aking paninindigan na ang kasalukuyang 4-year high school ay sapat nang preparasyon sa pagpapatuloy sa kolehiyo; sapat na ang kaalaman ng mga high school graduates sa mga asignaturang dapat pag-aralan nila sa pagtuklas ng higit na mataas na antas ng edukasyon. Ang kanilang mga paghahanda at kaalaman ay makatutulong na nang malaki sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon.

Hindi maikakaila na ang dalawang taong senior high school ay dagdag na gastos sa panahon at salapi ng mga magulang na karamihan ay hirap na sa pagpapaaral ng kanilang mga anak. Isipin na libu-libong piso na ang kakailanganin upang matustusan ang dagdag na panahon sa mataas na paaralan. Dahil dito, pinangangambahang aabot sa isang milyon ang mga estudyante na hindi makapag-aaral – isang bagay na lalo pang magpapababa sa kalidad ng edukasyon sa bansa. At magpapalubha ito sa problema sa kamangmangan.

Isa pa, at ito ang pinakamahalaga, kulang sa preparasyon ang gobyerno sa pagpapatupad ng K to 12. Hindi pa natatapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mahigit 60,000 silid-aralan na kailangan sa senior high school. Hindi pa ganap na nasasanay ang mga guro na dapat italaga ng Department of Education (DepEd) sa naturang sistema ng pagtuturo.

Ka-Faith Talks

Semana Santa: Ang apat na boses na ating naririnig

Totoo na ang nabanggit na bagong sistema ng edukasyon ay kinatigan na ng hukuman. Subalit hindi naman isang kalabisan kung isasaalang-alang ang pagpapaliban nito para sa kapakanan ng mismong mga estudyante, mga magulang at sa ibayong pagpapaangat ng pagtuturo sa bansa. (Celo Lagmay)