Libu-libong pasahero ang muling naperhuwisyo sa panibagong aberya sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT)-3, kahapon ng hapon.
Kunsumido ang mga pasahero hindi lamang sa tindi ng init ng panahon kundi sa biglaang pagtirik ng isang tren sa bahagi ng Santolan southbound sa tapat ng Camp Crame sa Quezon City, pasado 12:00 ng tanghali dahil sa umano’y technical problem.
Agad nagpatupad ang pamunuan ng MRT-3 ng provisionary service o limitadong biyahe ng tren mula sa Taft Avenue station sa Pasay City hanggang sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong at pabalik lang.
Napilitang sumakay at makipagsiksikan sa bus ang mga apektadong pasahero upang hindi maabala at maghintay nang matagal sa pila.
Dinala na sa Pasay depot ang nagkaaberyang tren upang suriin.
Dakong 1:30 ng hapon nang magbalik sa normal ang operasyon ng MRT-3.
Wala namang malinaw na pahayag ang pamunuan kung ano ang sanhi ng bagong aberya sa operasyon nito. (Bella Gamotea)