Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na magbubukas ang klase sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya para sa school year (SY) 2016-2017 sa Hunyo 13, Lunes.
Opisyal na inilabas ng ahensiya ang School Calendar, na nakapaloob sa DepEd Order No. 23, s. 2016, na nakatala ang kabuuang 202 school days, kabilang na ang limang araw na In-Service Training (INSET) break.
Kahit na obligado ang mga paaralan na sumunod sa mga aktibidad na nakasaad sa school calendar, sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na maaaring lumihis dito ang mga pribadong paaralan basta’t ipaalam ito nang maaga sa kanilang regional offices.
Pinaalalahanan din ng education chief ang mga pribadong paaralan na simulan ang mga klase na hindi mas maaga sa unang Lunes ng Hunyo at hindi rin lalagpas sa huling araw ng Agosto.
Mamarkahan rin ngayong taon ang full implementation ng K-to-12 program sa buong bansa, partikular na ang Senior High School (SHS). Kaugnay nito, nagsimula na noong Mayo 2 ang SHS enrolment para sa SY 2016-2017 sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa sekondarya.
Ayon sa datos ng DepEd, 5,927 pampublikong paaralan ang mag-aalok ng Grade 11 sa 2016 at Grade 12 sa 2017. Gagamitin ng mga paaralang ito ang mga bagong silid aralan at pasilidad na itinayo sa ilalim ng 2014 at 2015 budget ng DepEd o iba pang pinagmulan ng pondo.
Samantala, 4,827 pribadong high school, pribado at publikong unibersidad at kolehiyo, at technical-vocational school ang magsisimulang mag-aalok ng Grade 11 sa 2016 at Grade 12 sa 2017. (PNA)