SA pagtitipon ng show business celebrities na sumusuporta sa kandidatura ni dating DILG Secretary Mar Roxas sa pagkapresidente sa Mesa restaurant last Tuesday, isa si Karylle Tatlonghari-Yuzon sa pinagkaguluhan ng entertainment media at TV reporters dahil sa isyung hiwalay na ang kanyang Mama Zsa Zsa Padilla sa fiance nito na si Architect Conrad Onglao.
Nang masolo namin si Karylle, nabanggit namin na ang saya-saya pa ng mama niya sa presscon ng The Story of Us nang mapag-usapan ang nalalapit na pakikipag-iisang dibdib nito kay Conrad sa Florence, Italy sa Setyembre.
“Oo nga, eh,” sagot kaagad ng panganay ng Divine Diva. “Well, nagulat din kami. Siguro ganu’n talaga. Dapat talaga hindi muna ina-announce kasi nauudlot. You don’t know what’s gonna happen talaga.”
Pabor ba siya o silang magkakapatid sa paghihiwalay?
“Hindi na ako ang sasagot nu’n kasi what makes her (happy) doon kami. Okay naman sila, eh.”
Aniya, maysakit si Zsa Zsa na nasa bahay nila ni Dolphy sa Marina Bay, Parañaque City. Doon ito tumuloy nang lisanin ang bahay ni Conrad sa Makati.
“It’s very sad kasi she called off the engagement,” sabi pa ni Karylle. “She’s back home and ‘yun siguro, let’s just give her to time to just really process things and heal.”
Mabilis na kumalat sa social media ang hiwalayan nina Zsa Zsa at Conrad at hindi na naman siyempre naiwasan ang mga negatibong comment.
“Maganda siya (social media) in a sense na nagiging malapit tayo sa mga tagahanga, pero may mga moments katulad nito na kailangan lang maging private,” sabi ng isa sa hosts ng It’s Showtime.
Dagdag pa ni Karylle, “Kung okay lang, I’ll ask for your prayers and also siguro the time to be alone and private about it.”
Dinadalaw-dalaw ni Karylle ang mama niya sa taping para kumustahin at suportahan.
“Mga surprise visit ganyan, hindi naman everyday kasi maysakit din siya, ayaw niyang mahawa ako. Ganu’n lang, simple things lang.”
Nagalit ba siya sa nangyari?
“Ako, siguro dumating na ako sa stage na mature na ako na may hindi nagwo-work out. Hindi ako nagagalit, more on protective of my mom. Hindi naman halata, pero, di ba, sa hinhin kong ito, I’m very protective to people I love. So mabait man ako, I would protect them.”
Ano ang dahilan ng paghihiwalay?
“Actually, wala akong masyadong alam sa the details masyado.
I’ll leave it to my mom to explain,” sagot ni Karylle.
Posible pa ba ang reconciliation?
“I don’t think so, but that’s not really for me to say.”
Dalawang linggo na nga bang hiwalay sina Zsa Zsa at Conrad?
“Ay, hindi naman yata. Hindi ko alam, parang hindi naman.”
Samantala, isa si Karylle sa supporters ni Mar Roxas at isa sa iilang hindi nakakatikim ng pangba-bash mula sa haters.
“Siguro, I’m just grateful that kapag mayroon akong nakakausap, I talk to them with respect and I think respect begets respect. So minsan talaga iniintindi mo na lang. Some people become passionate, too passionate na naiiba, ako iniintindi ko. Sabi ko, please, be careful na lang,” paliwanag ng TV host/singer.
May haters din naman daw siyang nai-encounter pero hindi niya pinapatulan.
“Ako kasi in all my years sa entertainment, ako, I’ve always try to maintain positive attitude. So kung hindi mo ia-acknowledge ang isang bagay, hindi talaga siya mag-i-exists. So siguro the best thing to do is block if ever or mute, di ba? Puwede naman ‘yun, ‘wag na lang tayong mag-away, lahat naman tayo, we can give each other respect,” pahayag pa ni Mrs. Yael Yuson.
At ang reaksiyon ni Karylle sa intrigang bayad daw lahat ang supporters ni Mar Roxas.
“We won’t be here if we do not believe in him. Ako, it took me really a long time to decide. Ang presidente, hindi naman gano’n-gano’n lang ang pagpili, talagang pinag-iisipan ng mabuti at pinag-isipan ulit and discuss with friends, ganyan-ganyan. Ako happy ako kasi sa mga discussions ko with my friends, kasi mga kasama ko na pumili kay Presidentiable Mar ay mga dean, kaya sabi ko, ay I’m in good company. So, di ba, ang saya, kanya-kanya lang tayo,” pahayag ni Karylle.
Para kay Karylle, kapag may sinuportahang kandidato ay hindi dapat tumanggap ng bayad.
“But more than that, I think people just really have to learn how to decide for themselves. I mean, we are not forcing anyone to vote for anyone but we are showing our support,” magandang sabi niya. (REGGEE BONOAN)
