Matuto mula sa mga pinakamahuhusay na teams sa dalawang ligang UAAP at NCAA ang pangunahing inaasahan ni Lyceum of the Philippines University coach Topex Robinson sa pagsali ng kanyang koponan sa Fil-Oil Flying V Pre-Season Premier Cup.
Ayon kay Robinson, magandang pagkakataon para sa Pirates na napabilang sila sa Group B ng pre-season tournament kung saan kabilang ang mga malalakas na koponang Ateneo, La Salle, defending NCAA champion Letran at San Beda.
“We’re lucky to be grouped with teams like Ateneo, Letran, La Salle and San Beda.We’re gonna learn from the best teams,” pahayag ni Robinson kasunod ng unang panalo kontra kapwa NCAA squad Mapua, 91-82 kahapon sa Fil-Oil Flying V Center.
Sinamantala ng Pirates ang pagkaka-injured ng reigning NCAA MVP na si Allwell Oraeme sa third period upang makakalas sa final canto buhat sa patas na iskor na 64-all.
Nagtapos na may double digits ang apat na Pirates sa pangunguna ni Wilson Balthazar na may 17 puntos, kasunod sina Jesper Ayaay, Jebb Bulawan at ang nagbabalik na si Dexter Zamora na nagposte ng 15,13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunud- sunod.
Samantala namuno naman para sa Cardinals sina Exequiel Biteng at rookie Almel Orquina na kapwa may 16 puntos. (Marivic Awitan)