JAKARTA (Reuters) – Naghahanda ang Indonesia na bitayin ang ilang preso, sinabi ng isang opisyal ng pulisya kahapon, ngunit walang binanggit kung may kasamang mga dayuhan, isang taon matapos ang pagbitay sa mga banyagang drug trafficker na kinondena ng mundo.
Sumumpa ang administrasyon ni President Joko Widodo na ipagpapatuloy ang mga pagbitay sa pamamagitan ng firing squad sa kulungan sa Nusakambangan Island, sa kabila ng mga pagbatikos ng rights groups at mga banyagang gobyerno.
“We have had a warning since last month to prepare the place,” pahayag ni Central Java provincial police spokesman Aloysius Lilik Darmanto.
“We carried out some rehabilitation of the location like painting and repairs because there will probably be more people who will be executed,” aniya, idinagdag na patuloy ang firing squad sa pagsasanay at counselling.
Tumanggi siyang banggitin kung ilang preso ang bibitayin o kung kailan ito isasagawa, o kung mayroong kasamang mga dayuhan.
Binitay ng mga awtoridad ang walong drug trafficker noong Abril 2015 kabilang ang pitong banyaga, na umani ng pagkondena ng Australia at Brazil na nagsumamo para sa buhay ng kanilang mga mamamayan.
Hindi nagbigay ang mga awtoridad ng bilang ng mga banyagang nasa death row ngunit kabilang sa mga ito ang mga mamamayan mula sa France, Britain at Pilipinas.
Ang Pinay maid na si Mary Jane Veloso ay nakakuha ng last-minute reprieve noong nakaraang taon bilang tugon sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas matapos mahuli ang employment recruiter na inaakusahan ni Veloso na nagtanim ng droga sa kanyang bagahe.
Umaasa ang abogado ni Veloso na hindi siya mapapabilang sa susunod na grupong bibitayin. “The execution of Mary Jane should be delayed because we are waiting for the legal process in the Philippines,” sabi ni Atty. Agus Salim.