Bagamat hindi nabigyan ng pagkakataon na makaboto noong 2013, pinahintulutan ng Korte Suprema si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na makaboto sa kanyang bayan sa Lubao, Pampanga sa Lunes.
Bukod sa birthday furlough, pinaboran ng Korte Suprema si Arroyo na pansamantalang makalabas sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, na roon siya naka-hospital arrest, upang makaboto.
Sa kanyang petisyon, hiniling ng mga abogado ni Arroyo na payagan siya ng Korte Suprema na makalabas sa VMMC dakong 8:00 ng umaga sa Lunes, Mayo 9, upang bumoto sa Lubao.
Inatasan din ng korte si Arroyo na bumalik sa VMMC bago sumapit ang 6:00 ng gabi.
Isang re-electionist, nahaharap si Arroyo sa plunder bunsod ng umano’y paglulustay sa Confidential Intelligence Fund (CIF) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na aabot sa P365 milyon, noong pangulo pa siya ng bansa. (Jeffrey G. Damicog)