Kalunos-lunos ang sinapit ng isang maybahay makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng dalawang magkaangkas sa motorsiklo sa tapat ng kanyang bahay sa Quezon City, iniulat kahapon ng pulisya.
Kinilala ni Supt. Robert Sales, hepe ng Batasan Police Station 6, ang biktima na si Ma. Jocelyn Banzuelo, 38, ng 24 E. Bicol- Leyte Street, Barangay Commonwealth, Quezon City.
Si Banzuelo ay idineklarang dead on the spot dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at katawan mula sa .45 caliber pistol.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong 1:00 ng umaga nang pagbabarilin ang biktima ng hinihinalang hired killers sa may Leyte Street sa Bgy. Commonwealth.
Nagpapahangin umano si Banzuelo sa naturang lugar at habang nakatayo sa tapat ng kanyang bahay ay biglang sumulpot ang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek, na kapwa nakasuot ng helmet.
Ayon sa saksi na si Alexander Tantay, namataan niya na sa lugar ang lalaking angkas na bumaril kay Banzuelo.
(Jun Fabon)