Sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiya na kanyang kinahaharap, nananatiling Number One si PDP Laban standard bearer Davao City Mayor Rodrigo Duterte base sa huling survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng ABS-CBN network.

Napanatili ni Dutarte ang kanyang Number One position sa hanay ng limang presidential candidate matapos siyang makakuha ng 33 porsiyento base sa survey na isinagawa nitong Abril 26-29, na sinagutan ng 4,000 rehistradong botante. Iginiit naman ng Pulse Asia na may +/-1.5 margin error ang survey result.

Halos hindi gumalaw ang survey standing ni Duterte na 33 porsiyento na kanya ring nakuha noong Abril 19-24.

Ayon sa Pulse Asia, isinagawa ang huling survey sa kasagsagan ng alegasyon ng vice presidential candidate na si Sen. Antonio Trillanes IV na may itinatagong P211 milyon si Duterte sa bank account na hindi idineklara ng alkalde sa statement of assets, liabilities and net worth noong 2014.

Naghati sina Liberal Party standard bearer Mar Roxas at independent candidate Sen. Grace Poe sa ikalawang puwesto, na nakakuha ng 22 porsiyento (hindi gumalaw mula sa April 19-24 survey) at 21 porsiyento (tumaas ng isang porsiyento).

Probinsya

Sanggol, ika-21 biktima sa gumuhong estruktura sa Pampanga!

Nasa pangatlong puwesto si Jejomar Binay na umani ng 17 porsiyento mula sa 18 porsiyento, habang si Sen. Miriam Defensor Santiago ay nananatiling may dalawang puntos.

Apat na porsiyento sa mga respondent ang hindi pa rin makapagdesisyon kung sino ang iboboto sa pagkapangulo.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)