DINUMOG ng fans sina John Lloyd Cruz at Jennylyn Mercado sa kanilang mall tour sa Ayala Terraces nitong nakaraang Linggo, kasama ang buong cast ng Just The 3 Of Us na sina Manuel Chua, Ketchup Eusebio, Maria Isabel Lopez, introducing Paolo Angeles, at ang blockbuster director na si Cathy Garcia Molina.
Pagkatapos ng mall show nagka-mini presscon ang cast sa Greenwhich na very supportive pa rin sa projects ng kanilang endorser na si Loydie.
Tinanong si John Lloyd kung ano ang feeling na for the first time ay Kapuso actress ang leading lady niya.
“Noong una ko pa lang narinig na si Jennylyn ang ka-partner ko, it’s music to my ears,” sabi ni Loydie. “Dahil hindi naman everytime na makakatrabaho mo ang ibang contract stars ng ibang networks, di ba? Let’s face it, meron ngang network war, pero walang imposible pagdating sa pelikula. Music to my ears dahil bago naman, something new. Ibig sabihin, mas marami ka pang ibang makakatrabaho.”
Ano ang reaksiyon niya sa sinabi ni Jennylyn na dream come true ang pakikipagtrabaho nito sa kanya?
“Sabi niya lang ‘yun,” pabirong sagot ni Lloydie. “Ang masasabi ko lang, bilib ako kay Jen, napakasarap niyang katrabaho.”
Totoo bang sa Just The 3 of Us na ang pinaka-daring na love scene na nagawa niya?
“Lagi naman akong daring, eh,” natawa uling sagot aktor. “I’m always daring naman in what I do. Pero alam n’yo, it’s an attitude. It’s the attitude kung papaano mo aatakihin ang isang love scene.”
Sexy ba, para sa kanya, si Jennylyn?
“Oo naman,” mabilis niyang tugon. “Masaya kami lagi sa set. Kailangan, laging masaya. Sa dami ng romantic comedies na nagawa ko na, characterization pa lang, binabantayan na ako ni Direk Cathy, para maiwasang gawin ‘yung mga nagawa ko na.
“I believe na as an actor, you always challenge yourself. Parang sponge ‘yan, eh. It will not interest me ‘pag wala akong nakikitang bago na gagawin ko.”
Naitanong din sa box office at award-winning actor kung vindicated ba ang feeling niya ngayong nabago na nga ang MMFF executive committee at nawala na ‘yun mga ‘promotor’ sa eskandalong kinasangkutan ng Honor Thy Father niya noong nakaraang MMFF.
“Maybe, it’s a a life-long battle. Hindi agad maaayos ‘yan (ang sistema). Pero kapag may batas na, may chance. Ako nga, parang nawalan na ako ng pag-asa, pero maraming tao sa paligid mo ang naniniwalang puwede pang magbago.”
Eye-opener ba ang nangyaring eskandalo para mabago ang maling sistema sa MMFF?
“Paano magbabago kung wala kang gagawin?” seryosong lahad niya.
Na-trauma ba siya sa MMFF?
“Hindi naman, but it’s a big learning experience for me as a producer. Sa trabaho ko ngayon, I’d like to concentrate more as an actor.”
Showing na in cinemas nationwide ang Just The 3 of Us. (MELL T. NAVARRO)