NAGPADALA ngayong linggo ang sandatahan ng China ng isang kilalang mang-aawit ng mga makabayang awitin upang magtanghal sa harap ng mga opisyal ng Chinese Navy at ng mga obrerong bumuo sa katatayo lang na isla sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea, isang malinaw na pagpapakita ng kumpiyansa sa pagmamay-ari ng halos buong karagatan.

Ang pagbisita ni Song Zuying at iba pang mang-aawit ay naidokumento sa mga litrato na inilathala ng state media kahapon, isang bibihirang pagsilip sa mga istrukturang itinayo ng China sa dating bahuraan sa Spratly Islands, kabilang ang mga parola, daungan, at gusali.

Ang ilan sa mga larawan ay may kasamang caption na nakasaad na kuha ang litrato nitong Martes, sa Cuarteron Reef, na inaangkin din ng Pilipinas.

Makikita sa likuran ang isa sa mga dambuhalang Type 071 amphibious dock ship ng Chinese Navy na kayang magsakay ng apat na helicopter at hanggang 800 sundalo.

Ayon sa Xinhua News Agency, nagtanghal din ang grupo sa tinawag na “The People’s Navy Advances” nitong Lunes ng gabi sa Fiery Cross Reef, na rito ay nagtayo ang China ng isang runway na kasya ang pinakamalaki nitong military aircraft. Itinampok sa pagtatanghal ang magic tricks at awitan, gaya ng “Ode to the South Sea Defenders”.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Magtitiwala kahit malabo, kahit sinusubok

Tumitindi ang tensiyon sa lugar, marahil na rin dahil tumatanggi ang Amerika na kilalanin ang mga bagong tayong teritoryo ng China gaya ng legalidad ng mga natural na isla, kabilang ang nakapaligid na dagat at ang mga exclusive economic zone. Bagamat walang pormal na pag-angkin ng soberanya sa lugar, iginigiit ng Washington ang malayang paglalayag sa South China Sea.

Una nang iginiit ng China na gagawin nito ang lahat ng posible at kinakailangang hakbangin upang ipagtanggol ang pag-angkin nito sa halos buong South China Sea, kasama na ang mga isla at bahura nito. Aktibo nang nagpapatrulya sa lugar ang Navy at Coast Guard nito, at nakalapag na rin sa Fiery Cross Reef ang mga sibilyan at pang-militar na eroplano sa malinaw na pagbalewala ng China sa mga batikos at pagpuna ng Amerika at ng iba pang mga bansa na nagsasabing ang mga aktibidad ng Beijing ay nagsusulong ng militarisasyon sa daanan ng nasa mahigit $5 trillion halaga ng pandaigdigang kalakal bawat taon. (Associated Press)