Sa bilis ng takbo ng ating panahon sa kasalukuyan, nakalilimutan na nga ba natin ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa nang walang hinihinging kapalit? Sa edad na tatlong taon, sino ang mag-aakalang makasasagip ng buhay ang isang kinilala kamakailan bilang munting bayani?

Si Edmund Jon Nipay, ngayon ay limang taong gulang, mula sa Jones, Isabela, ay tulad lamang ng ibang pangkaraniwang bata. Ngunit dahil sa naipamalas niyang kabayanihan sa murang edad noong Hulyo 17, 2014, pinarangalan siya sa 17th Gawad Kalasag Award, sa kategoryang indibiduwal na Heroic Act, ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa mga magulang ni Edmund na sina Edgardo at Rose Nipay, umalis sila nang umagang iyon patungong palengke upang magtinda ng meryenda nang biglang mag-brownout. Sa kabutihang palad, si Edmund—na laging sumasama sa kanyang mga magulang—ay nagpumilit na manatili sa bahay upang bantayan ang kanyang lola.

Si Lola Adoracion, na noo’y 60 anyos, ay paralisado matapos ma-stroke noong 2013.

Probinsya

5 buwang sanggol, natabunan sa landslide sa Davao City

Bandang 10:00 ng umaga nang magbalik ang kuryente sa tahanan ng mga Nipay, at sumiklab ang sunog. Kahit natatakot, naglakas-loob si Edmund na itulak ang wheelchair ng kanyang lola palabas ng bahay.

“Tinulak ko po ‘yung wheelchair, kasi po ayaw ko siyang mamatay,” sinabi ni Edmund sa isang panayam.

“Kailangan po ng Lola ko ‘yung salamin niya at cell phone para makahingi ng tulong, kaya po bumalik ako para kunin ‘yun,” kuwento pa ni Edmund.

Isa si Edmund sa mga nakatanggap ng 17th Annual Gawad Kalasag: Search for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance nitong Lunes, sa Pasig City.

Taunang kinikilala ng Gawad Kalasag ang mga natatanging kontribusyon sa larangan ng pagtugon sa sakuna at kalamidad.

Layunin din nitong kilalanin ang mga indibiduwal, grupo, o institusyon na nagpamalas ng kakaibang tapang, kabayanihan, at sakripisyo sa panahon ng kagipitan. (Jamie Rosseditt P. Garcesa)