Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahigit 400 bayan at lungsod sa bansa na kabilang sa election hotspot ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa AFP, may kabuuang 421 bayan at siyudad ang mahigpit na minamanmanan ngayon ng mga sundalo at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Binanggit ni Capt. Frank Sayson, AFP Deputy Public Affairs Officer, na nasa Category 1 ang 159 na bayan at siyudad dahil sa mga naitalang insidente na may kaugnayan sa pulitika bunsod ng matinding political rivalry at pagkilos ng mga private armed group at sindikato ng gun-for-hire.
Nasa Category 2 ang 165 bayan at siyudad dahil sa presensiya ng New People’s Army, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Abu Sayyaf Group at mga tumiwalag na mandirigma ng Moro National Liberation Front.
Umabot naman sa 97 bayan at siyudad ang inilagay sa Category 3 dahil sa taglay na pinagsamang banta ng naunang dalawang kategorya. (Fer Taboy)