Nagbanta ang Abu Sayyaf Group (ASG) na pupugutan ang tatlong nalalabing bihag, kabilang ang dalawang dayuhan, na dinukot sa Samal Island kapag nabigo ang grupo sa hinihinging tig-P300 milyon ransom sa pagpapalaya sa mga ito.
Ito ang babalang tinanggap ng militar kahapon.
Ayon sa Abu Sayyaf, 13 ang kasalukuyang bihag nila, kabilang ang apat na Malaysian seaman, isang Japanese at isang Dutch.
Kasama sa bilang ang tatlong pinagbantaang pupugutan, ang Canadian na si Robert Hall, ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, at ang Pinay na si Marites Flor.
Sinabi ng militar na inilabas kahapon ang video na nagpapakita sa tatlong bihag habang todo ang pag-apela sa gobyerno at nagmamakaawang ibigay na ang hinihinging ransom ng Abu Sayyaf para sa kanilang kalayaan.
Sa video, nagbanta pa ang ASG na hindi sila magdadalawang-isip na pugutan ang mga bihag kapag hindi naibigay ang kanilang hinihinging ransom.
Matatandaang pinugutan ng Abu Sayyaf ang isa pang Canadian na bihag, si John Ridsdel, matapos na hindi mabayaran ang hinihinging ransom nitong Abril 25.
Personal na umapela sa Canada si Hall. Aniya, “I'm told to tell you (Canadian government) to meet the demand. I don't know what you're doing, but you're not doing anything for us. John (Ridsdel) has been sacrificed, his family has been decimated, and I'm not sure why or what you're waiting for.”
Panawagan naman ni Sekkingstad: “I'm appealing to Canadian government, the Filipino government, friends, family, anybody who can possibly help us. If the demand is not met, we will be executed like our friend John was a few days ago.” (Fer Taboy)