Naniniwala si Albay Gov. Joey Salceda na magiging mahusay na bise presidente si Senator Francis “Chiz” Escudero, na inilarawan niya bilang dating “mortal na kaaway sa pulitika”, dahil may paninindigan ito at patuloy na namumuhay nang simple sa kabila ng mga narating sa buhay.
“Kasama ko si Chiz ng nine years sa Congress, kilala ko ito. Magkaaway kaming mortal sa pulitika, kasi ako kay GMA (Gloria Macapagal-Arroyo). Kilala ko siya at ilang beses ko siyang inudyukang lumipat, pero hindi ko nagawa [na kumbinsihin siya],” kuwento ni Salceda.
Ayon kay Salceda, nanindigan noon si Escudero laban kay dating Pangulong Arroyo kaya hindi niya ito nakumbinseng lumipat ng suporta sa dating administrasyon.
Matatandaan na noong 2004 presidential elections, si Escudero ang naging tagapagsalita ng yumaong aktor na si Fernando Poe, Jr. na tinalo ni Arroyo sa pagkapangulo.
Bilib din si Salceda sa pagiging simple ni Escudero. Binanggit ng gobernador na nang minsang magtungo siya sa Washington D.C. ay may nakausap siyang driver sa Embahada ng Pilipinas na nagkuwento sa kanya kung paano namuhay nang simple si Escudero sa Amerika noong nag-aral pa ito sa kilalang Georgetown University.
Ineendorso ni Salceda ang kandidatura ni Escudero, gayundin ng running mate nito na si Senator Grace Poe, at nangako ng mahigit 700,000 boto para sa dalawa mula sa lalawigan. (Beth Camia)