WALANG dapat ikabigla sa muling pagsasanib-puwersa nina dating Manila Mayor Alfredo Lim at Rep. Lito Atienza na isa ring dating alkalde ng naturang lungsod; matagal silang dating magkaalyado sa pamamahala sa Manila City Hall dangan nga lamang at sila ay pansamantalang pinaglayo ng kamandag ng pulitika.
Ngayon, iisa ang pinakamalaking dahilan ng kanilang political reunion: Pagpapanumbalik ng mga benepisyo na inagaw sa mga Manilenyo. Ibig sabihin, ibabalik ang libreng pagpapagamot sa mga ospital sa anim na distrito ng Maynila. Bukod sa free hospitalization, walang bayad ang konsultasyon sa mga doktor, libreng pagpapaopera at maging ang mga gamot; libre rin ang medical services sa 59 na barangay health center at 12 lying-in clinic na ipinatayo ni Lim. Labis itong ikagagalak ng mga taga-Maynila, partikular sa tinaguriang daigdig ng mga Ilokano sa Balic-balic, Sampaloc na laging sumasangguni sa naturang district hospital.
Ang pagsasanib-puwersa nina Lim at Atienza ay lalo pang pinatindi ng pakikiisa ni Manila Councilor Ali Atienza sa nabuong political triangle. Magugunita na ang batang Atienza ay dating vice mayoral candidate ng kabilang lapian subalit ipinasiya niyang kumalas upang makipagtulungan sa isang higit na makabuluhang pagsisikap sa pagpapaunlad at pagpapatahimik sa siyudad.
Tulad ng kanyang amang si Lito, nais ding umagapay ni Ali kay Lim sa paglipol ng lahat ng anyo ng kriminalidad at illegal drugs na talamak sa halos lahat ng barangay. Kabilang na rito ang kasumpa-sumpang riding-in-tandem na walang habas na pumapatay sa mga lansangan saan mang dako ng kapuluan. Kaakibat ito ng hangarin ni Ali na bumalangkas ng makabuluhang mga ordinansa laban sa kriminalidad kapag siya ay nahalal bilang vice mayor ni Lim.
Isa ring makatuturang biyaya ang determinasyon ni Lim na pigilin ang implementasyon ng kautusang nagpapataas ng buwis sa mga ari-arian sa Maynila. Tahasang ipinahayag ng dating Alkalde na una niyang iuutos ang pagbasura sa naturang tax increase.
Palibahasa’y matindi ang pagpapahalaga sa edukasyon, kabilang ako sa mga umaasa na lalo pang paiigtingin ni Lim ang pagtulong sa mga paaralan, lalo na sa itinatag niyang City College of Manila (ngayon ay Unibersidad de Manila). Ito ang tanging pamantasan sa buong bansa na nagkakaloob ng free college education sa mga maralitang estudyante.
Kabilang ito sa produkto ng pagsasanib-puwersa nina Lim at Atienza. (Celo Lagmay)