BUTUAN CITY – Isang umano’y pangunahing commander ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao ang naaresto nitong Lunes ng hapon ng magkasanib na puwersa ng pulisya at militar sa national highway ng Mat-I sa Las Nieves, Agusan del Norte.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix ang naaresto at sinasabing “high-profile” sa kilusan na si Ricardo Andan Manili, 62, alyas “Ka Joker”, umano’y commanding officer ng NPA Regional Operational Command o “Julito Tero Command”.

Ayon sa PRO-13, maraming nakabimbing kasong kriminal si Manili sa mga lokal na korte, kabilang ang dalawang bilang ng rebelyon, dalawang bilang ng murder, robbery with homicide, dalawang bilang ng multiple murder, at arson.

Sinasabing si Manili rin ang secretary ng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA North Central Mindanao Regional Committee, at may patong sa ulo na P4.9 milyon bilang ikaapat na most wanted sa rehiyon, ayon kay Felix.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nadakip si Manili kasama ang isang babae at limang lalaki habang lulan sila sa isang silver na Starex van, sa checkpoint ng militar, pulisya at Commission on Elections (Comelec) sa Mat-I, dakong 1:00 ng hapon nitong Lunes, ayon kay Felix.

Sinabi ni Felix na bineberipika pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng anim na kasama ni Manili o kung miyembro rin ng NPA ang mga ito. (Mike U. Crismundo)