ILANG araw mula ngayon, o sa Lunes, gagamitin ng mamamayan ang kanilang karapatang pumili ng kanilang mga pinuno.
Para sa isang demokrasyang gaya ng sa atin, ang karapatang bumoto ay isa sa napakahahalagang tungkulin ng mamamayan.
Ang halalan ay katumbas ng pagbibigay ng mamamayan ng kapangyarihan sa kanilang ihahalal upang pamahalaan ang sambayanan. Dahil dito, mahalaga na matiyak na ang halalan ay tunay na kagustuhan ng mamamayan; dapat itong maging malaya, tapat, makahulugan, at may kredibilidad.
Una, mahalaga ang kredibilidad dahil kung wala ito, mawawala rin ang tiwala ng mga tao sa resulta ng eleksiyon. Nais matiyak ng mga tao na ang kanilang boto ay tunay na mabibilang.
Pangalawa, ang halalang walang kredibilidad ay makaaapekto sa pagiging lehitimo ng gobyerno. Kung sa paniwala ng mga tao ay nagkaroon ng dayaan, mahihirapan ang mga nanalo na magpatakbo ng pamahalaan.
Panghuli, makasisira ito sa ating demokrasya, dahil ang sistema ng ating pamahalaan ay nakaangkla sa prinsipyo na ang kapangyarihan ay nagmumula sa mamamayan. Ang proseso ng halalan na hindi nagpahalaga rito ay tiyak na mabibigo, at napatunayan na ito sa ating kasaysayan.
Bagamat obligasyon ng lahat na tiyaking may kredibilidad ang halalan, ang pangunahing dapat gumawa nito ay ang Commission on Elections (Comelec). Batay sa mga kaganapan sa mga nakaraang araw, nagkakaroon ng alinlangan ang mga tao sa kapasidad ng Comelec na maisagawa ito.
Matatandaan na noong Marso 27, dalawang ulit na napasok ng mga hacker ang website ng Comelec, at naisapubliko ang personal na impormasyon ng mahigit 70 milyong botante. Kabilang sa ibinulgar na impormasyon ang buong pangalan ng mga botante, kaarawan, pangalan ng mga magulang, tirahan, passport number, fingerprint at iba pa.
Nangangamba ang mga tao na mangyari rin ito sa halalan sa Lunes.
Ipinahayag ng mga opisyal ng Comelec na mahigpit ang seguridad sa vote counting machine (VCM), ngunit dapat nating tandaan na ang kredibilidad ay apektado ng pananaw ng publiko.
May mga pangyayari na nakapagdaragdag ng pangamba sa panig ng mamamayan. Noong nakaraang linggo, halimbawa, ipinahayag ni Comelec Chairman Andres Bautista na hindi na matutuloy ang paggamit ng mga mall sa ilang lugar.
Nagkaroon din ng kontrobersiya sa desisyon ng Comelec na payagan ang paggamit ng replacement ballot. Ayon sa mga kritiko, lilikha ito ng pagkalito sa halalan.
May mga ulat din, bagamat hindi kumpirmado, ng iregularidad sa pagboto ng mga botante sa ibang bansa. Nakatatakot isipin kung mangyari ito sa Lunes, sa pagdagsa ng karamihan sa mahigit 50 milyong botante.
Sa kabila ng mga pangyayaring ito, naniniwala pa rin ako sa sinseridad at kapasidad ng Comelec na gawing malinis at kapani-paniwala ang halalan. (Manny Villar)