Iginiit ni Manila 1st District Rep. Benjamin “Atong” Asilo na hindi niya iuurong ang kanyang kandidatura para maging susunod na bise alkalde ng lungsod, kahit pa iba ang vice mayoralty bet na ineendorso ng katambal niyang si dating Mayor Alfredo Lim.
Matatandaang naghayag kamakailan ng suporta si Lim sa katunggali ni Asilo sa pagka-bise alkalde na si Ali Atienza—na anak ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, na dating nakatunggali ni Lim sa pagka-alkalde.
Ito ay sa kabila ng nanguna si Asilo sa Smart poll survey sa vice mayoralty race sa Maynila, sa resultang inilabas noong Marso.
“Magpapatuloy ako sa aking paglilingkod, na ipinagkaloob sa akin ng mamamayan simula pa noong ako ay maging barangay kagawad, kapitan ng barangay, konsehal, at ngayon na magtatapos na ang termino ko bilang kongresista,” ani Asilo.
Binigyang-diin din ng tinaguriang “pambato ng Tondo” na ang kagustuhan ng mga Manileño, at hindi ng iisang tao lamang na nais na iatras niya ang kanyang kandidatura, ang kanyang susundin.
Ayon kay Asilo, bagamat iginagalang niya ang malalim na dahilan ng pag-endorso ni Lim kay Atienza, mananatili siyang tapat sa Liberal Party at sa mamamayan ng Maynila.
Una nang tiniyak ng kongresista na pagkakalooban niya ng suportang pinansiyal ang mga senior citizen ng lungsod, magpapatayo ng city college sa bawat distrito, magbubukas ng tanggapan para sa kababaihan sa Manila City Hall, at pasisiglahin ang mga kooperatiba.