“SA (ABS-CBN) management na lang po ang bahala, sila naman po ang nakakaalam.”
Ito ang sagot ng produkto ng Pinoy Big Brother All In na si Joshua Garcia nang tanungin kung hindi ba siya nagsisisi na hindi siya kasali sa grupong Hashtags na sikat na ngayon t may album na.
Dapat pala ay kasama ang bagitong aktor sa Hashtags na binuo ni Direk Laurenti Dyogi at kasama pa nga siya sa pictorial para sa launching ng grupo.
“Mas nakikita raw po ng management na mas may opportunity ako dito sa shows (serye) kaya ganu’n po, hindi ako isinama. Actually, kasama nga po ako sa pictorial ng Hashtags noon, kaso tinanggal ako,” pagtatapat ng binatilyo.
Hindi naman dapat magsisi si Joshua dahil may pangakong kasama siya sa teleseryeng Born For You nina Janella Salvador at Elmo Magalona at bukod dito ay nakapag-MMK (Maalaala Mo Kaya) na siya kaya dinaig pa niya ang ibang myembro ng Hashtags na ito ang pangarap.
Regular ding napapanood sa ASAP20 si Joshua kaya blessed na rin siya katulad ng iniwang grupo.
Sa edad na 18 ay marunong na sa buhay ang bagitong aktor. Katunayan, sa dalawang taon pa lang niya sa showbiz ay may investments na kaagad siya.
Nakabili na rin siya ng sasakyan na ginagamit niya ngayon.
“First soap (Nasaan Ka Nang Kailangan Kita) ko po, nakabili na ako ng kotse ‘tapos nakabili na po ako ng lupa para sa pinatatayuang apartment. ‘Tapos kapag nagka-soap po ulit, bibili ulit ako ng lupa para madagdagan po ‘yung tatayuang apartment.”
Wise spender si Joshua dahil, “Hindi po ako mahilig sa branded na gamit, bumibili lang po ako kapag kailangan, lalo na ngayon may sponsor akong BNY so okay na po ako, ‘tapos sa shoes, Jump, puwede na po ‘yun,” pagtatapat ng bagets.
“Hindi rin po ako mahilig sa gadgets, okay na po ako sa cellphone, wala nga po akong laptop, eh.”
Ang isa pang puntiryang ipatayo ni Joshua ay, “Ipagpatayo si Papa ng tapsilogan, ganu’n. Kasi sayang po ‘yung talent ng papa ko, magaling po kasi siya magluto.”
Kaya sa pagbabalik eskuwela ni Joshua, plano niyang kumuha ng kursong may kinalaman sa business o entrepreneurship para madagdagan ang kaalaman niya sa negosyo.
Maaga yatang nag-mature ang binatilyo dahil hiwalay ang magulang niya na may mga kanya-kanya nang buhay at sa tatay siya napunta.
Inihabilin ng ina at lumaki si Joshua sa pari na kapatid ng tatay niya nang maghiwalay ang mga magulang niya at noong bata pa siya.
Kaya pala lumaking mabait ang binatilyo dahil laking kumbento at sa tanong kung binalak niyang maging pari rin tulad ng tiyuhin.
“Ayoko po, boring. Nabo-bored po ako sa loob ng simbahan,” natawang sagot ng batang aktor.
Mahiyain at mabait si Joshua bukod pa sa laging nakangiti at never namin siyang nakitang sumeryoso kaya tinanong namin kung paano siya magalit.
“Bihira naman po kasi akong magalit, ano po ako, eh, hindi ko pinapansin ‘yung mga ganu’n, kapag galit ako sa isang tao, hindi ko na pinapansin, kapag kaming dalawa lang, kinakausap ko siya para sabihin ‘yung sama ng loob ko.
“Hindi po ako nakikipagsapakan sa school, wala pa naman akong naranasang ganu’n po. Pero maloko rin naman ako,” pag-amin ng binatilyo.
Ang dahilan kaya siya sumali sa PBB, “Ako po ang nag-decide na sumali sa PBB kasi po that time na gusto ko nang mag-ayos sa pag-aaral ko sa high school, saka po nawalan ng work ang papa ko, so nagdesisyon po akong sumali dahil sa prizes.”
Samantala, binalak sana niyang ligawan ang ka-love team niyang si Eloisa Zaguirre pero sinabihan daw siya ng tatay ng dalagita.
“Sabi po barkadahan lang muna kasi 15 pa lang siya noon, 17 na siya ngayon. Saka respeto na lang din na po sa papa niya na sinabihan na ako,” kuwento ng bagets.
Magkaibigan lang sila ni Eloisa at napa-partner naman sa iba at gayundin si Joshua. (Reggee Bonoan)