SA istorya ng Just The Three of Us, gumaganap bilang piloto at ground stewardess si John Lloyd Cruz (Uno) at si Jennylyn Mercado (Aqui) na nagkaroon ng one night stand. Nagbunga ang kapusukan nila, pero hindi nakahanda sa responsibilidad si Uno bukod sa nagdududa rin siya kung siya nga ba talaga ang ama ng bata.
Kaya nabaliw-baliw sa kabubuntot-buntot kay Uno si Aqui na probinsiyana pa naman, kailangang may amang manindigan sa ipinagdadalantao niya.
Ito ang unang pagtatambal nila na gayong katatapos lang, gusto ni Lloydie na gumawa uli sila ng isa pang pelikula.
“Feeling ko, hindi lang ito ang pelikulang gagawin namin,” sabi ng aktor nang mainterbyu namin. “Parang mas marami pa kasi kaming maibibigay ni Jennylyn sa moviegoers.”
Natigilan at napaisip si John Lloyd nang tanungin ko kung lovable ba si Jennylyn.
“Kailangan nating pag-usapang mabuti ang bagay na ‘yan,” napapangiting sagot niya. “Hindi makatarungan kung basta ko lang sasabihin na lovable kung hindi ko sasabihin ang reasons. She’s a darling.”
Kung sa personal na buhay, halimbawang sila ni Jennylyn ang sangkot sa kuwento ng pelikula nila, magagawa ba niya itong takas-takasan?
“May isyu nga kami ni Direk Cathy (Garcia Molina) no’ng kukunan ang eksena na lalampasan ko lang siya (Jennylyn).
Sabi ko, ‘Direk, sa gandang ‘yan, hindi puwedeng ‘di ko man lang siya susulyapan.’ Sabi ni Direk sa akin, ‘Ikaw ‘yon! Hindi ikaw si Uno. Ang kukunan ko, si Uno. Magkaiba kayo ng character.”
May mga nakapanood na sa Just The Three of Us na ang sabi sa amin ay isa na naman itong movie event. Bukod sa magandang istorya at kilig sa malakas na chemistry ng dalawang bida, riot din daw ang comedy. Palabas na ito simula ngayong araw.
Samantala, palaisipan ang isinagot ni John Lloyd nang purihin ng mga katoto na looking young siya at tanungin ko naman kung happy ba siya.
“Kung happy ba ako?” may namimintanang lungkot sa mga matang ganting tanong niya. “I’m working hard on it.”
Hala! Sino ba ang nagpapalungkot kay John Lloyd, ha? (DINDO M. BALARES)