Patay ang isang may-ari ng drug den habang arestado naman ang apat na kasabwat nito sa anti-drug operation na inilunsad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Talomo, Davao City, kamakalawa.

Kinilala ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr. ang napatay na si Renato Alamara, alyas “Ren”, ng Baybay Kadatu, Barangay Dumoy, Talomo, Davao City.

Arestado naman sina Daisy Cabag, 41, at live-in partner niyang si Elmer Cabag, 41, kapwa nakatira sa Purok 23, Organic Wellspring 1, Davao City; at sina Michael Dariday, 37; at Windel Dariday, 36, kapwa ng JMPI Village, Ma-a, Davao City.

Sinabi pa ng pulisya na nakatakas ang isang suspek na si Sammy Dariday.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinalakay ng mga operatiba ng PDEA Region 11, Davao City Police Station at Talomo Police ang pinagtataguan nina Alamara sa Talomo, Davao City.  

Nang poposasan na, sinabi sa ulat na bumunot si Alamara ng isang .38 caliber revolver at pinutukan ang mga raiding team na nagresulta sa engkuwentro.

Nang nakahandusay na, nabawi ng mga anti-drug operative mula kay Alamara ang ilang sachet ng shabu, isang baril, sari-saring drug paraphernalia at isang gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana. (Jun Fabon)