NAGHAHANDA si dating Chief Justice Renato C. Corona sa paglilinis sa kanyang pangalan at pagbawi sa kanyang puwesto sa Korte Suprema nang pumanaw siya dahil sa atake sa puso nitong Biyernes ng madaling-araw, Abril 29. Siya ang kaisa-isang Punong Mahistrado na napatalsik sa puwesto. At dahil sa kanyang biglaang pagpanaw, nagwakas na rin ang plano niya upang pagpagin ang batik sa kanyang pangalan.
Itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Justice Corona bilang Punong Mahistrado noong Mayo 12, 2010, kasunod ng pagreretiro ni Chief Justice Renato Puno. Naghain ng kaso sa Korte Suprema dahil ipinagbabawal sa Konstitusyon ang pagtatalaga ng presidente ng kahit sino dalawang buwan bago ang halalan hanggang sa magtapos ang termino ng huli. Ngunit iginiit ng Korte Suprema na hindi saklaw ng pagbabawal na ito ang hudikatura.
Nahalal si Pangulong Aquino sa eleksiyon nang taong iyon, at sa halip na sumunod sa tradisyon na manumpa sa tungkulin sa harap ng Punong Mahistrado, pinili niyang manumpa noong Hunyo 30, 2010 kay Associate Justice Conchita Carpio Morales, na kumontra sa desisyon ng kataas-taasang hukuman sa pagtatalaga kay Corona. Makalipas ang ilang buwan, noong Disyembre 2011, inaprubahan ng Kamara de Representantes ang reklamong impeachment na may walong artikulo—kalaunan ay nabawasan sa tatlo—laban kay Corona. Mayo 29, 2012 naman nang bumoto ang Senado para sentensiyahan ang akusado sa unang artikulo—na nabigo si Corona na isapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN), isang Betrayal of Public Trust at/o Culpable Violation ng Konstitusyon. Matapos ito, nagpasya ang Senado na huwag nang pagbotohan ang dalawa pang artikulo ng impeachment.
Nang mga panahong iyon, nag-akusa ang kampo ng oposisyon na ginamit ang mga pondo ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) sa kaso ng impeachment, ngunit hindi ito napatunayan. Ito ang pinaghahandaan ni Chief Justice Corona na kanyang ipupursige pagkaupong-pagkaupo sa puwesto ng susunod na administrasyon, ngunit pumanaw siya.
Mahirap sabihin kung magtatagumpay ba siya sakaling naisakatuparan niya ang kanyang plano. Posibleng isa ito sa pinakamalalaking usapin na una nang ibinabala ng oposisyon na ihaharap laban sa ilang personalidad sa administrasyon. Maisasantabi na ngayon ang kaso.
Sa ngayon, bibigyang-pugay ng bansa si Corona sa kanyang pagpanaw. Iwinagayway ng Korte Suprema sa half-mast ang watawat ng Pilipinas sa kagawaran at inilahad ng ilang opisyal ang kasaysayan ng kanyang serbisyo sa bansa, partikular sa edukasyong legal at pagpapatupad sa batas. Nagpaabot na rin ang Malacañang ng pakikiramay nito sa pamilya Corona. Nakikiisa tayo sa pagbibigay-pugay sa kanya.