SA mga nasa larangan ng pamamahayag, sa print o broadcast media, isang mahalagang araw ang Mayo 3 ng bawat taon, sapagkat pagdiriwang ito ng “World Press Freedom Day”. Layunin nitong mabatid ng global community na ang kalayaan sa pamamahayag at peryodismo ang napakahalagang karapatang pantao na nakasaad sa Article 19 ng 1994 Universal Declaration of Human Rights, at ang maraming media professional kabilang ang mga peryodista, ay humaharap sa panganib sa paghahatid ng balita.
Bukod dito, ipinahayag din ng United Nations ang Mayo 3 noong 1993 bilang tugon sa panawagan ng mga peryodistang African na noong Mayo 1, 1991 ay nagpatupad ng makasaysayang “Namibia Declaration” para sa isang malayang pamamahayag, upang mapanatiling buhay ang mga demokratikong pamantayan sa isang bansa at para sa socio-economic growth. Mula noon, ipinagdiwang na taun-taon ang “World Press Freedom Day” sa iba’t ibang bansa.
Sinasabing ang World Press Freedom Day ay ang pinakamagandang pagkakataon na pagnilayan ang mga mamamahayag na nagbuwis at nag-alay ng buhay at ang mga dinakip at ikinulong sa pagtatanggol sa karapatan na naging dahilan upang maialay sa mundo ang malayang paghahatid ng mga balita, ang malayang paglalathala ng mga pahayagan at ang malayang papapahayag ng mga pananaw at opinyon sa radyo at telebisyon. Mahalaga ang papel ng pamamahayag sa pagpapanatili sa kamalayan ng mamamayan sa mga kasalukuyang pangyayari.
Ang kalayaan sa pamamahayag ay mayroon ding limitasyon. Dapat isipin lagi ng mga nasa propesyong ito ang pagsasabi at pagpapalaganap ng pawang katotohanan lamang.
Sa iniibig nating Pilipinas, ang press freedom ay isa sa mga karapatan na pinananagutan ng ating Konstitusyon. Sa kabila na ang pamamahayag ay isang mapanganib na propesyon, tungkulin ng mga alagad ng media na bukod sa paghahatid ng mga tamang balita at mahalagang impormasyon, ay bumatikos at pumuna sa mga hindi kanais-nais na nangyayari sa pamayanan, bayan, pamahalaan, lalo na sa maalingasaw na mga kabulukan at katiwalian. At maging sa ibang sektor ng lipunan na may ginagawang kalintikan, kabalbalan o katarantaduhan na perhuwisyo sa mga tao at maraming mamamayan.
Ngunit hindi maiwasan na ang pagbatikos sa mali at ang paninindigan sa katotohanan at katarungan ay nagiging mitsa ng kanilang buhay. Napapatay o ipinapapatay sila sa mga hired killer. Isang malinaw na pruweba na gustong supilin, o kundi man ay busalan, ang kalayaan sa pamamahayag ng mga utak-pulbura at balat-sibuyas na nasagasaan sa sinulat ng peryodista at matinding batikos ng broadcast journalist.
Simula noong 1986, na naibalik ang kalayaan sa pamamahayag, mahigit 150 alagad ng media na ang napatay. Sa bawat rehimen, may nadudukot, naa-ambush at napapatay na mga journalist. Sa ating makabagong panahon, mahirap nang malimot ang massacre sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009. Umabot sa 57 katao ang pinatay at kabilang dito ang 32 mamamahayag. Dinakip at nakulong ang mga suspek, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa naparurusahan. Patuloy na naghihintay ng katarungan sa kabilang buhay ang mga biktima at kanilang mga kaanak.
Dahil sa pagpatay sa mga alagad ng media, ang Pilipinas ay tinaguriang most murderous country for journalists.
Nabansagan na rin na pangalawang pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Ngunit ang pagpatay sa mga journalist ay hindi makababali sa gulugod ng pamamahayag sa Pilipinas. Magpapatuloy sa paninindigan para sa kalayaan, katotohanan at katarungan. (Clemen Bautista)