Planong itaas ang suweldo, dagdagan ang mga benepisyo, at protektahan sa pang-aabuso ang mga nurse sa bansa upang masuklian ang pagsasakripisyo ng mga ito.
Ayon kay Senator Francis “Chiz” Escudero, isusulong ng “Gobyernong may Puso”, na itataguyod nila ng katambal niyang presidential bet na si Sen. Grace Poe, ang kapakanan ng mga nurse, na tinawag niyang “overworked at underpaid”.
“Kailangang maiangat ang dignidad at level ng pagkilala sa trabaho na ginagampanan ng ating mga nurse bilang importanteng bahagi ng pagpapagaling sa mga may karamdaman,” ani Escudero, isa sa mga may akda ng Senate Bill No. 2720 o Comprehensive Nursing Law of 2015.
Ilan sa mahahalagang probisyon ng Senate Bill No. 2720 ang itaas sa hanggang Salary Grade 15, o katumbas ng P26,192-P28,344, ang entry level na sahod kada buwan ng mga nurse sa mga ospital ng gobyerno.
Ang pagtataas sa suweldo ng mga nurse ng gobyerno ay layunin din ng Senate Bill No. 2688 (Government Nurses Salary Upgrading Act) na inakda ni Poe.
Ayon pa kay Escudero, sakaling sila ang mahalal bilang bagong administrasyon, paiigtingin din nila ang kampanya laban sa pangongontrata at “volunteer programs” na umaabuso sa mga nurse sa bansa. (Beth Camia)