Tinawag ng vice presidential bet na si Senator Antonio Trillanes IV na “duwag” si presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo Duterte makaraang hindi mag-isyu ng waiver ang huli para mabuksan ang bank account nito sa Bank of the Philippine Islands (BPI) sa Julia Vargas Street sa Mandaluyong City.
Sa kanyang text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Trillanes na nagbigay na siya ng affidavit pero hindi pa rin pumirma si Duterte.
“May itinatago si Duterte sa bayan, at ang akusasyon ko na may P2.4 bilyon na transaksiyon sa kanyang bank accounts ay hindi niya mapasinungalingan. Wala silang ipinakita. Sinabi ko, ito na ang aking affidavit. Sabi nila na pipirma sila ng waiver, wala silang dala... Talagang wala silang intensiyon na pabuksan ito [account],” ani Trillanes.
Aniya, ang ganitong aksiyon ay senyales ng karuwagan at patunay lamang na walang balak si Duterte na isapubliko ang bank account nito.
“Dito natin makikita na si Mayor Duterte ay matapang lang sa salita, pero sa katotohanan ay bahag ho ang kanyang buntot,” dagdag ni Trillanes.
Iginiit naman ni Atty. Salvador Panelo, abogado ni Duterte, na walang laman ang affidavit ni Trillanes at pawang mga “hearsay” ang sinasabing P2.4-bilyon bank transaction ng alkalde. (Leonel Abasola)