Mga laro ngayon
(San Juan Arena)
9:30 n.u. --Lyceum vs. Mapua
11:15 n.u. -- Arellano vs.EAC
1:30 n.h. -- San Sebastian vs.FEU
3:15 n.h. -- Perpetual Help vs.UP
5:00 n.h. -- NU vs. St.Benilde
Limang seniors matches na tatampukan ng laban ng reigning UAAP champion Far Eastern University ang matutunghayan ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Fil-Oil Flying V Pre Season Premier Cup sa San Juan Arena.
Makakatunggali ng Tamaraws na ngayon ay nasa “rebuilding process” matapos mawala ang key players na sina Mike Tolomia, Roger Pogoy at Mac Belo dahil sa pagtatapos ng playing years sa UAAP kasama sina Monbert Arong at Francis Tamsi ang San Sebastian College sa ikatlong laro, ganap na 1:30 ng hapon.
Sa pagkawala ng kanilang seniors partikular ang trio nina Tolomia, Pogoy at Belo na siyang nanguna upang makamit ng Tamaraws ang kampeonato, inaasahang sasandigan ang Tamaraws ng mga naiwang beterano ng koponan na sina Achie Iñigo, Russel at Richard Escoto, Ron Dennison at Reymar Jose.
Sa kabilang dako, aabangan naman ang mga pagbabagong mayroon sa roster at sa laro ng Stags sa ilalim ng bago nilang coach na si Egay Macaraya.
Galing naman sa kampeonato ng dalawa pang pre-season tournament na kinabibilangan ng Fr.Martin Cup, sasalang din ang NCAA runner-up Arellano University sa ikalawang laro ganap na 11:15 ng umaga kontra kapwa NCAA squad Emilio Aguinaldo College.
Mauuna rito, magtutuos para sa nag-iisang laro sa Group B ang magkapitbahay na koponan na Lyceum of the Philippines University at Mapua ganap na 9:30 ng umaga.
Sa iba pang laro, maghaharap sa ika-apat na laban ganap na 3:15 ng hapon ang University of Perpetual Help at University of the Philippines na susundan ng tapatan ng National University at College of St.Benilde ganap na 5:00 ng hapon.
Magtatangka ang 10 koponan na humanay sa mga opening day winners De La Salle na ginapi ang Adamson, 98-88, at University of the East na nanaig kontra Ateneo sa overtime, 93-91. (Marivic Awitan)