Ilang dekada na ang paghihintay at kabiguan ng atletang Pinoy na makapag-uwi ng gintong medalya mula sa Olympics.
Tunay na sapat ang talento, ngunit kulang sa suportang pinansiyal ang atletang Pinoy para maging world-class at kompetitibo sa antas ng quadrennial Games.
Para masiguro na makukuha ng mga atletang Pinoy ang suporta at tulong pinansiyal para makamit ang kauna-unahang Olympic gold, handa si Dr. Mikee Romero, No.1 nominee ng 1-Pacman Party-list, na ibuhos ang lahat ng pondo, kabilang na ang sweldo bilang isang kongresista para magamit ng mga atleta sa pagsasanay at pagsabak sa malalaking international tournament.
“I will not get my salary if given the chance to serve the country as a member of the Congress. I will form a team to select young and promising talents who will receive my financial help,” pahayag ni Romero, may-ari rin ng GlobalPort sa PBA at dating pangulo ng cycling, chess at basketball association.
Iginiit ni Romero, tinanghal na isa sa pinakabatang matagumpay na negosyante sa bansa, ang pangangailangan ng “godfather system” para mapagtuunan ng todo ang pangangailangan ng mga atleta sa kanilang paghahanda sa 2020 Tokyo Olympics.
“It’s high time to bring back the godfather system in sports,” sambit ni Romero.
Ramdam ni Romero ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ‘Godfather’ sa sports dahil naging gawain niya ito nang magsilbing team manager ng iba’t ibang national team, kabilang na ang Philippine basketball squad na nagkampeon sa 2007 SEA Games sa Thailand.
Bilang miyembro ng business community, sinabi ni Romero na plano niyang kausapin ang ilang negosyante, gayundin ang mga may-ari ng mga multi-national company sa bansa at hikayatin ang mga ito na ampunin ang partikular na sports o atleta para mas mabigyan sila ng pagkakataon na makalahok sa mas maraming torneo sa abroad at makapagsanay sa world-class facility sa ibang bansa.
“Kailangang mabusog ng pagmamahal ang mga atleta natin and we can only do that if we provide them all they need – pera para sa pamilya nila bukod sa first class training na kailangan nila,” sambit ni Romero.
“Kapag nasa competition ang mga atleta natin, especially in the Olympics, dapat worry-free sila para maganda ang chance nilang manalo ng ginto,” aniya.