Balik-aksyon si undefeated young prospect Dave Peñalosa sa isang international card na magaganap sa SM Mall of Asia.

 

Wala pang talo sa sampung laban, sasabak si Peñalosa sa isang 6-round superbantamweight bout kontra veteran journeyman Menard Zaragoza ngayong Miyerkules.

Ayon kay Peñalosa, wala siyang idea sa kung anong istilo mayroon ang kaniyang kalaban, ngunit sa kabila nito ay todo pa rin ang kaniyang paghahanda sa naturang laban.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

 

Si Peñalosa ang isa sa dalawang fighting Peñalosa brothers na anak naman ni Dodie Boy, Sr., ang kauna-unahang Filipino two-division world champion.

 

“Hindi ko alam style niya pero beterano na sa laban. Yung experience niya siguro makakatulong sa akin kung ano pa ang kulang ko ngayon,” pahayag ni Penalosa.

 

Posibleng ito na ang huling laban ni Peñalosa bago lumipad patungong Estados Unidos kung saan niya itutuloy ang boxing career.

 

Kamakailan, pumirma si Peñalosa ng isang managerial contract kay American manager Cameron Dunkin na siya ring may hawak sa career ni Filipino Flash Nonito Donaire, Jr.

 

“Marami akong matututunan sa US at alam ko na kung magsisikap ako dun ay magiging world champion din ako,” ayon kay Peñalosa.

Ang Peñalosa-Zaragoza bout ang isa sa undercards ng main event na pagbibidahan nina Filipino bet Jeffrey Francisco at Japanese challenger Yusuke Suzuki na maglalaban para sa bakanteng WBC Eurasia Pacific Boxing Council bantamweight crown.

Ang pamosong card na binuo ni international promoter Gabriel “Bebot” Elorde, Jr. ay magaganap bukas sa Music Hall ng Mall of Asia sa Pasay City. (Dennis Principe)