Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga nag-download at nagpakalat ng mga nag-leak na datos mula sa website ng Commission on Elections (Comelec)—sila naman ang tinutugaygayan ngayon ng kawanihan.

Ito ang inihayag ng NBI kasunod ng pagdakip nito sa ikalawang hacker na si Joenel de Asis, 23, nitong Abril 28 dahil sa pagsasapubliko umano ng 340-gigabyte data matapos i-hack ni Paul Biteng ang website ng Comelec noong Marso 22.

Ayon kay NBI-Cybercrime Division (CCD) Chief Ronald Aguto, Jr., ang susunod nilang gagawin ay ang tugisin at sampahan ng kaso ang mga indibiduwal na nag-download at gumamit sa naisapublikong datos.

Sinabi ni Aguto na tinutugis na nila ngayon ang huli sa tatlong hacker na nakialam sa website ng Comelec. Umaasa ang NBI na madadakip ang huling hacker bago ang eleksiyon sa Lunes, Mayo 9.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Abril 20 nang inaresto si Biteng sa Maynila makaraan ang tatlong-linggong surveillance, habang nadakip si De Asis makalipas ang walong araw, sa Muntinlupa City.

Kapwa itinanggi nina Biteng at De Asis na binayaran sila upang i-hack ang website at isapubliko ang datos ng mga botante, at iginiit na nais lamang nilang patunayan ang kakulangan sa seguridad ng Comelec website.

(ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)