Thunder, nakabawi sa Spurs; Cavs, nakauna sa Hawks.

SAN ANTONIO (AP) -- Naisalba ng Oklahoma Thunder ang matikas na opensa ni LaMarcus Aldridge at hinalikan ng suwerte sa krusyal na sandali para maitakas ang 98-97 panalo sa San Antonio Spurs nitong Lunes ng gabi (Martes sa Manila) at maitabla ang Western Conference semi-finals sa 1-1.

Naagaw ni Spurs guard Danny Green ang bola kay Kevin Durant para mai-set up si Patty Mills sa three-point area, ngunit sumablay ito. Humulagpos ang bola kay Aldridge sa rebound at hindi na rin nakuha ni Kawhi Leonard ang possession sa pagtunog ng buzzer.

Hataw si Russell Westbrook sa 29 na puntos at 10 assist para pangunahan ang Thunder sa dikitang panalo, isang malaking pambawi matapos madomina ng Spurs at matalo ng 32 puntos na kalamangan sa Game 1.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ambag si Durant ng 28 puntos.

Patuloy ang matikas na opensa ni Aldridge sa playoff sa 41 na puntos.

Gaganapin ang Game Three sa Biyernes (Sabado sa Manila), sa Oklahoma City.

Ratsada si Aldridge sa 13 puntos sa final quarter, kabilang ang dalawang three-point play para maidikit ang iskor sa 94-96.

CAVS 104, HAWKS 93

Sa Cleveland, sinimulan ng Cavaliers ang kampanya na makabalik sa NBA Finals nang pabagsakin ang Atlanta Hawks sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference semi-final.

Nagsalansan si LeBron James sa nakubrang 25 puntos, habang nagtumpok si Kyrie Irving ng 21 puntos para panatilihin ang dominasyon sa Hawks na ginapi nila sa kabuuan ng season.

Winalis ng Cavs ang Hawks sa Eastern Conference finals sa nakalipas na season at naitala ang walong sunod na panalo sa kasalukuyan.

Nanguna si Dennis Schroder sa Hawks sa natipang playoff career-high 27 puntos, habang nag-ambag si Paul Millsap ng 17 puntos at 13 rebound para sa Atlanta.

Nagpamalas din ng katatagan si Kevin Love, hindi nakalaro sa kabuuan ng Eastern playoff sa nakalipas na taon bunsod ng injury sa kanang balikat, sa naitumpok na 17 puntos at may naiambag na 14 na rebound si Thompson.