Sa pagsusulong ng transparency, ilulunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Martes ang database na masisilip ng publiko para makumpirma kung nagkaroon sila ng paglabag sa batas-trapiko sa ilalim ng no contact apprehension policy (NCAP) ng ahensiya.
Sa “Na-HuliCam Ka Ba?” ng MMDA, pahihintulutan ang mga motorista na ma-check kung nagkaroon sila ng traffic violation sa pamamagitan ng isang viewable pero hindi maaaring i-edit na Google Spreadsheet online na magdedetalye sa updated na listahan ng mga no-contact apprehension.
Sa datos, nakasaad ang plaka ng sasakyan na lumabag sa ilalim ng NCAP; ang lugar, petsa, at oras na isinagawa ang paglabag; at ang aksiyon ng MMDA tungkol dito.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, ang online database ang tugon ng ahensiya sa hiling ng mga netizen na gawing madali para sa mga motorista ang pagberipika kung nagkaroon sila ng traffic violation.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 4,000 na ang lumabag sa ilalim ng NCAP.
Kaugnay nito, nagbabala si Carlos sa publiko tungkol sa kumakalat sa Internet na listahan ng mga lugar na umano’y kinabitan ng MMDA ng mga closed circuit television (CCTV) camera, na layuning makaiwas ang mga motorista sa NCAP.
Paglilinaw ni Carlos, luma na ang nasabing listahan, na in-upload ng isang motoring site para payuhan ang mga motorista at mga driver ng mga pampublikong sasakyan na mag-“behave” sa 34 na lokasyon sa EDSA, Commonwealth Avenue at C5 Road dahil may CCTV camera ang ahensiya roon.
“The list was created during the time of former MMDA Chairman Bayani Fernando who initiated the enforcement of no contact apprehension policy before it was placed on hold,” sinabi ni Carlos sa isang panayam sa radyo.
Ayon kay Carlos, sa kasalukuyan ay may 250 CCTV camera ang nakakabit sa iba’t ibang lansangan sa Metro Manila, kabilang ang Diosdado Macapagal Avenue, Marcos Highway, Roxas Boulevard at Quezon Avenue.
Aniya, magdadagdag pa ang MMDA ng 200 CCTV camera sa mga susunod na araw, kaya wala nang lusot ang mga pasaway na motorista. (Anna Liza Villas-Alavaren)