ESPESYAL ang buwan ng Mayo para sa mga Pilipino. Ito ang buwan ng mga piyesta, dahil maraming bayan sa iba’t ibang panig ng bansa ang magbibigay-pugay sa kani-kanilang patron. Ito rin ang buwan ng mga espesyal na kapistahan na umaakit ng mga bisita mula sa iba’t ibang dako ng bansa at ng mundo. Ito ang buwan ng mga bulaklak, dahil Mayo nagsisimulang umulan pagkatapos ng maaalinsangang buwan, at masasamyo ang halimuyak ng mga sampaguita, ilang-ilang, rosas, at iba pang bulaklak—para sa Flores de Mayo.
Marami sa mga kapistahang ito ang nakaugalian nang dayuhin ng mga turista, kabilang ang Pista’y Dayat ng Lingayen, Pangasinan, nitong Mayo 1; ang mga Carabao Festival ng Angono, Rizal, at Pulilan sa Bulacan, sa Mayo 14; ang Pahiyas sa ilang bayan sa Quezon, sa Mayo 15; ang Fertility Rites ng Obando, Bulacan, sa Mayo 17-19; ang Tapusan sa Kawit sa Cavite, sa Mayo 30; at ang Antipolo Pilgrimage sa Rizal sa buong buwan ng Mayo.
Nagdaraos din ng Santacruzan sa maraming bayan, siyudad, at barangay bilang pagbabalik-tanaw sa paghahanap ng Banal na Krus ni Reyna Elena kasama ang anak niyang si Constantino. Pumaparada ang pinakamagaganda sa kani-kanilang lugar para sa iba’t ibang papel—kabilang ang Reynas Banderada, Fe, Esperanza, Caridad, Mystica, Paz, Reynas del Cielo, de la Virgenes, de las Flores, at iba pa—sa mga komunidad, sa saliw ng tradisyunal na musika ng banda at pag-awit ng mga nagpuprusisyon.
Sa buong mundo, ipinagdiriwang ang Mayo 1 bilang Araw ng Paggawa kaya nitong Linggo, nagdaos ng maraming Job Fair sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nag-alok ng mga oportunidad sa trabaho sa libu-libo na katatapos lang ng kolehiyo. Para naman sa mga hindi pa nakukumpleto ang kanilang kurso, ang Mayo ay panahon ng bakasyon. Magbabalikan na sa kani-kanilang eskuwelahan ang mga estudyante at mag-aaral ng bansa sa Hunyo; ngunit sa ngayon, panahon muna ng pagtatampisaw sa mga dalampasigan at pagtungo sa mga probinsiya upang makapiling ang mga kaanak at mga kababata sa sinilangang bayan.
Ngunit higit pa sa mga pista at iba pang mga selebrasyon, espesyal ang Mayo ngayong taon, sa loob ng isang linggo, dahil idaraos sa bansa ang pambansa at lokal na eleksiyon upang piliin ang mga susunod na opisyal ng gobyerno na maglilingkod sa susunod na tatlo hanggang anim na taon. Malapit sa mga Pilipino ang halalan; ito marahil ang nag-iisang pinakamahalagang aktibidad sa ating demokrasya.
Mayo ngayon, ang masasabing pinakamakulay na panahon ng taon para sa mga Pilipino. Maraming iba pang aktibidad ang pagkakaabalahan natin sa mga susunod na buwan—ang pagbabalik-eskuwela sa Hunyo, ang maramihang pagluwas sa mga lalawigan sa Todos los Santos sa Nobyembre, ang mahabang Christmas holiday sa Disyembre, ang diwa ng pag-asa at pag-asam sa Bagong Taon sa Enero, ang Semana Santa na buong bansa ay tumitigil para manalangin sa Marso. At muli, Mayo na naman.