Sa ikalawang pagkakataon, hindi sinipot ni Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña, Jr. ang forum para sa mga lokal na kandidato na inorganisa ng St. John Bosco Parish-Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa siyudad noong Abril 30.

Mistulang namuti ang mga mata ng daan-daang botante sa San Lorenzo at Pio Del Pilar na naghintay para mapakinggan ang plataporma ni Peña, subalit hindi dumalo sa forum ang alkalde.

Dumalo naman sa okasyon sina Congresswoman Abigail Binay, na ngayo’y kandidato sa pagka-alkalde; ang kanyang running mate na si Monique Lagdameo, at lahat ng kandidato para konsehal sa ilalim ng partidong United Nationalist Alliance (UNA).

Bukod dito, sumipot din sa forum ang ibang independent candidate na tumatakbo sa pagka-kongresista at pagka-alkalde ng Makati.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

Muling binatikos ni Rep. Binay ang umano’ypag-dedma ni Pena sa mga forum na inorganisa ng mga pribadong grupo at Church-based organization sa Makati.

Noong Abril 27, hindi sinipot ni Pena ang unang forum na inorganisa ng Rotary Club of Makati Business District, sa Makati Sports Club, at ikinatwirang dahil ito sa tawag ng tungkulin at serbisyo kaya hindi siya nakadalo.

(Bella Gamotea)