MAGING handa isang linggo bago sumapit ang pambansang halalan. Sa pamamagitan ng Comelec Halalan App, malalaman na ng bawat Pilipino ang kanyang status bilang botante, ang lokasyon ng kanyang presinto, ang pinakamainit na balita at impormasyon kaugnay sa halalan at mga kandidato, at maaari pang mag-report ng mga mali o kahina-hinalang gawain ngayong panahon ng eleksiyon, sa pamamagitan lamang ng kanilang smartphone o gadget.

Sa pagtutulungan ng ABS-CBN at ng Commission on Elections (Comelec), muling inilunsad ang “Comelec Halalan App” noong 2015 upang tulungan ang mga mamamayan sa kanilang pagboto sa darating na eleksiyon sa Lunes.

Sa News section, mababasa ang mga balitang nakalap ng ABS-CBN News tungkol sa eleksiyon. Sa Candidates page naman, mababasa ang impormasyon tungkol sa mga tumatakbong pangulo, bise-presidente, senador, at ang listahan ng mga party list. Dito rin maaaring piliin ang nais nilang iboto sa pamamagitan ng pagpindot sa check button. Sa My Ballot naman lalabas ang listahan ng mga napli nila.

Sa My Status naman matitiyak kung rehistrado at kumpleto ang biometrics ng botante, pati na ang presinto kung saan siya boboto. Sa Results page naman mababasa ang update sa aksyon ng Comelec sa mga reklamo o report ng user na ipinadala gamit ang BMPM, na nakapaloob sa app. Mayroon ding Halalan 101 section na tampok ang mga infographics, facts, at figures na hinanda ng ABS-CBN News Digital.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

Noong 2012 unang inilabas ang app pero sa pinakabagong bersiyon, maaari nang makita ng gumagamit ang aksiyon na ginagawa ng Comelec kaugnay ng kanilang report na ipinadala gamit ang app. Nagtayo pa ang Comelec at ABS-CBN ng kani-kaniyang command center upang siguraduhing matutugunan ang mga ipinadadalang report. 

Sa panig ng ABS-CBN News, ang citizen journalism arm na BMPM (Bayan Mo Ipatrol Mo) ang umaasikaso at nagbi-verify sa mga reklamo, na ibinabato naman sa Comelec para sa kaukulang aksiyon.

Libreng mada-download ang app sa App Store at Google Play.

Isa ang Comelec Halalan 2016 App sa mga handog ng ABS-CBN kaugnay ng kampanya nitong “Ipanalo ang Pamilyang Pilipino” ngayong Halalan 2016, na naglalayong tulungan ang mga mamamayan na makapili ng mga kandidatong tunay na maninindigan para sa pamilyang Pilipino. Isang marathon coverage ang gagawin ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs, ang pinakamalaking news organization sa Pilipinas, ngayong ika-9 ng Mayo bilang pagpapatuloy sa malawakan at komprehensibong news coverage nito ngayong panahon ng eleksyon gamit ang iba’t ibang media platform nito sa radyo, free TV, cable TV, digital TV, online, at mobile.