Hindi pa man pormal na ibinababa ang tabing bilang pagtatapos ng UAAP Season 78, ganap nang nakamit ng De La Salle University ang general championship matapos ungusan ang dating kampeong University of Santo Tomas sa puntos.

Sa pinakahuling tala,may natipong 278 puntos ang Taft-based athletes, habang may 270 puntos ang winningest university sa premyadong collegiate league.

Ngunit, dahil pasok sa finals ng women’s football ang La Salle, ang pinakamababang puntos na madadagdag sa kanila ay 12 kung mabibigo sila sa University of the Philippines habang wala nang aasahan pang puntos na madadagdag ang UST.

Ito ang ikatlong pagkakataon na magwawagi ang De La Salle ng general championship kasunod ng naunang dalawang beses nilang panalo noong 2012 at 2013.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kasalukuyan, may anim na titulong hawak ang Green Archers na kinabibilangan ng men’s at women’s table tennis, women’s indoor at beach volleyball, men’s chess at lawn tennis at baseball.

Bagamat apat lamang ang napanalunang event na kinabibilangan ng women’s judo at track and field, poomsae at men’s taekwondo, malaking puntos ang nakuha ng Tigers sa 11 runner-up finishes na kanilang itinala sa men’s basketball, tennis, chess, track and field, fencing, at table tennis gayundin sa women’s judo, taekwondo, softball at table tennis.

Batay sa point system na ginagamit ng UAAP, ang kampeon sa bawat event ay tatanggap ng 15 puntos, 12 sa runner-up, 10 sa pangatlo, walo sa ikaapat, anim na ikalima, apat sa ikaanim, dalawa sa ikapito at isa sa ikawalo.

Samantala, napanatili naman ng UST ang overall title sa juniors division matapos talunin ang University of the East, 138-133.

Ang titulo ang ika-17 pangkalahatan ng Tiger Cubs na tinanghal na winningest school sa juniors division parehas ng kanilang senior counterpart na may kabuuang 40 titulo. (Marivic Awitan)