ITBAYAT, Batanes – Upang hindi maulit ang pagkordon ng mga dayuhan sa mga pangisdaan ng Pilipinas, gaya ng nangyari sa Panatag o Scarborough Shoal sa Zambales, itinirik ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang watawat ng bansa sa tuktok ng Hill 200 sa Mavulis Island sa Itbayat, Batanes, sa layuning igiit ang ating soberanya sa dulong hilaga ng bansa.

Kasama ang mga mangingisda, iba pang mga opisyal ng militar at lokal na pulisya, pinangunahan ni Northern Luzon Command (NolCom) commander Lt. Gen. Romeo Tanalgo ang pagtitirik ng watawat ng Pilipinas nitong Sabado ng tanghali sa Mavulis Island, kasunod ng pag-awit ng “Lupang Hinirang” at pananalangin.

“Ang purpose ng pagtitirik ng ating bandila ay upang igiit ang ating soberanya, upang malaman ng lahat na bahagi ito ng ating bansa,” sabi ni Tanaldo, at idinagdag na iniiwasang maulit ang nangyari sa Panatag Shoal, nang kinordon ng mga Chinese kaya hindi na makapangisda roon ang mga Pilipino.

“Determinado tayong protektahan ang islang ito. Ito ay para sa ating mga mangingisda,” dagdag niya, at tiniyak sa mga taga-Batanes na tuluy-tuloy na magpapatrulya sa isla ang Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nauna rito, iniulat ng ilang mangingisda sa lugar na tinatakot at binabantaan sila ng mga mangingisdang Taiwanese, na nagsabing ang Mavulis ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Taiwan.

Ayon sa mga mangingisda, halos araw-araw nang eksena sa isla ang ilegal na pangingisda roon ng mga banyaga, idinagdag na kahit ang endangered species na mga halaman ay tinatangay ng mga ito.

Kuwento ng mangingisdang si Cyrus Baluca, 52 anyos: “Dati ang mga illegal fishermen dito, mga Taiwanese, madali silang itaboy. Tutukan mo lang sila ng patpat ng kawayan, o kahoy, tatakbo na. Pero itong mga nakaraan na taon, hindi na sila naitataboy. Kami na ang hinahabol nila.”

Dagdag pa niya, hindi lamang sila basta nawawalan ng pagkakakitaan, kundi nasisira rin ang coral reef sa isla dahil sa ilegal na pangingisda ng mga dayuhan.

Sinabi naman ni Itbayat Mayor Reulle Ibañes na kung hindi aaksiyunan ang problema ay posibleng mangyari rin sa Batanes ang nangyayari ngayon sa West Philippine Sea, na agresibong inaangkin ng China ang ilang bahagi ng Spratlys.

(Elena L. Aben)