Muling tiniyak kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy ang mga hakbangin ng Pilipinas upang ligtas na mapalaya ang natitirang mga bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Nitong Linggo, pinakawalan ng bandidong grupo ang 10 tripulanteng Indonesian, na binihag nito matapos harangin habang naglalayag sa karagatang sakop ng bansa noong Marso 26.

Apat na iba pang Indonesian na kabilang sa crew ang hawak pa rin ng ASG.

“The Philippine government is pleased at the positive developments resulting in the safe release of ten Indonesian nationals abducted by the Abu Sayyaf,” ayon sa DFA. “While intensified operations continue on the ground, the DFA maintains close coordination with concerned foreign governments in ensuring the safe return of all the remaining hostages.”

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Agad namang nagpaabot ng pasasalamat si Indonesian President Joko Widodo sa Pilipinas kaugnay ng paglaya ng 10 kababayan nito, iniulat ng pahayagang The Jakarta Post.

Idinugtong ni Widodo na hindi titigil ang Indonesian government sa mga pagsisikap nito upang ligtas na mapalaya ang apat pang Indonesian na bihag ng grupo.

Bukod sa apat na Indonesian, bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang isang Canadian, isang Norwegian, isang Dutch,isang Chinese, apat na Malaysian, at pitong Pilipino.

Patuloy namang naninindigan ang gobyerno ng Pilipinas sa “no ransom” policy nito. (Bella Gamotea)