Hindi pabor ang National Privacy Commission (NPC) sa panukalang kunin ng gobyerno ang serbisyo ng mga naarestong hacker na sangkot sa pagkuha at pagpapakalat ng datos mula sa website ng Commission on Elections (Comelec).

Ito ay bilang reaksiyon sa panawagan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa gobyerno na kunin ang serbisyo ni Paul Biteng, ang 23-anyos na information technology graduate na nag-hack sa website ng poll body.

Sinabi ni NPC Commissioner Raymond Liboro na kung kukunin ng gobyerno ang serbisyo ng mga hacker, posibleng isipin ng mga walang trabaho na ito ay mabisang paraan upang makakuha ng trabaho.

‘’Pag hi-nire, eh, baka lahat ng walang trabaho ay mang-hack na (ng government website),” aniya. “Hacking is not a joke. It is a serious offense.”

Probinsya

Mga nasawi sa MV Trisha Kerstin 3, lagpas na sa bilang ng mga nawawala; ilang katawan, inanod na sa ibang isla!

Kung mapatutunayang guilty sa pagkuha ng mga sensitibong impormasyon, iginiit ni Liboro na maaaring patawan ang isang hacker ng hanggang tatlong taong pagkakakulong na may multang P500,000 hanggang P2 milyon.

Kamakailan, inirekomenda ng Manila Prosecutors’ Office ang paghahain ng kasong three counts of violation of the Cybercrime Prevention Law laban kay Biteng. Itinalaga rin ng korte ang piyansa para kay Biteng sa P600,000.

(Argyll Cyrus B. Geducos)